Tropang 5G malakas koneksyon

MANILA, Philippines — Nakaiwas sa ikalawang sunod na kamalasan ang nagdedepensang TNT Tropang 5G matapos itumba ang Titan Ultra, 114-80, sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.
Itinaas ng Tropang 5G ang kanilang baraha sa 4-3 para solohin ang third spot sa Group A.
Bigo ang Giant Risers na masundan ang naunang 132-128 pagdaig s guest team Macau Giant Pandas at nalaglag sa 2-6 marka.
Nakabawi rin ang tropa ni coach Chot Reyes sa kanilang 87-103 pagyukod sa mga bataan ni mentor Rensy Bajar sa first round noong Hulyo 22.
Umiskor si Jordan Heading ng 23 points tampok ang apat na three-point shots, habang may tig-19 markers sina replacement import Rahlir Hollis-Jefferson at Brandon Ganuelas-Rosser. Nagdagdag si Rey Nambatac ng 14 points at may 12 markers si Kim Aurin.
Isinara ng TNT ang first period sa 34-21 bago ibaon ang Titan Ultra sa 43-25 mula sa slam dunk ni Hollis-Jefferson sa 8:36 minuto ng second quarter.
Pinalobo pa ito ng Tropang 5G sa 58-36 sa huling 59 segundo matapos ang basket ng nagbabalik na si Ganuelas-Rosser bago ito naputol ng Giant Risers sa halftime, 44-60.
Isang 17-5 bomba ang inihulog ng TNT tampok ang jumper ni Jordan Heading para ikonekta ang 28-point lead, 77-49, sa 3:49 minuto ng third period
Nakalapit ang Titan Ultra sa 72-86 sa likod nina import Tirrell Brown, Fran Yu, Jerrick Balanza at Bryan Sajonia sa 8:09 minuto ng fourth quarter.
Ngunit hindi nagpabaya ang Tropang 5G at muling nakalayo sa 95-74 mula sa basket ni Aurin at three-point shot ni Kevin Ferrer sa 4:55 minuto ng laro.
Mula rito ay hindi na nakadikit ang Giant Risers.
Tumapos si Brown na may 14 points, 11 rebounds, 4 assists at 3 blocks para sa Titan Ultra na nakahugot kina Balanza at Sajonia ng tig-13 markers.
- Latest




















