Hidilyn nagpasalamat kay Gregorio

MANILA, Philippines — Pinasalamatan ni 2022 Tokyo Olympic Games gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo ang solidong suportang ibinibigay ng Philippine Sports Commission (PSC) sa weightlifting.
Ito ay matapos ibigay ni PSC chairman Patrick Gregorio ang bagong bulto ng weightlifting equipment sa Hidilyn Diaz Weightlifting Gym sa Zamboanga City.
“Dahil sa weightlifting equipment na ito, tuluy-tuloy ang training ng mga atleta ng Mampang weightlifting club sa weightlifting gym na pinatayo ko last 2017,” sabi ni Diaz-Naranjo.
Ipinatayo ng tubong Zamboanga City weightlifter ang kanyang sariling pasilidad mula sa nakuhang insentibo matapos mabuhat ang silver medal sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.
“Masaya akong makita na maraming kabataan ang sumusubok ng weightlifting at nangangarap maging isang medalist,” dagdag ng national weightlifter.
Naniniwala si Gregorio na malaki ang maitutulong ng weightlifting equipment sa mga susunod na yapak ni Diaz-Naranjo, ang kauna-unahang Olympic gold winner ng bansa.
“This is about building dreams. By equipping the home of our local weightlifting community, we are laying the foundation for the next generation of Olympic icons,” wika ni Gregorio.
Ang simpleng seremonya ay dinaluhan din ng mga kinatawan ng PSC, mga local sports leaders at mga coaches.
Ang proyekto ay isang pagtutulungan ng PSC at ng Department of Education (DepEd) na pinamumunuan ni Secretary Sonny Angara mula sa direktiba ni President Bongbong Marcos na magtuwang ang mga government institutions na paunlarin ang mga sports programs sa buong bansa.
- Latest

















