Ang maskara ng alyas
Anong lihim sa likod ng paggamit ng mga alyas o codename sa mga acknowledgment receipt ng confidential funds na ibinunyag sa impeachment trial na ayon sa Commission on Audit (COA) ay “hindi bawal ngunit hindi rin pinapayagan”.
Ayon sa mga opisyal ng COA, walang malinaw na probisyon sa umiiral na joint circular na nagbabawal o nagpapahintulot sa paggamit ng alyas na ang pagsusuri ng COA ay nakasalalay lamang sa mga nakumpletong papel at dokumentong isinumite.
Walang direktang mekanismo ang mga auditor para isa-isang beripikahin kung tunay na tao o kathang-isip tulad ng mga pangalan nina Mary Grace Piattos, Renan Piattos, at Xiaome Ocho sa mga resibo ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd na lumitaw sa impeachment trial.
Sa ilalim ng katahimikan ng mga patakaran ng COA, tila nagiging lisensya ang maskara ng alyas upang sunugin ang pera ng bayan nang walang mukhang nananagot ng pag-audit sa pera ng bayan na nakabatay sa tiwala at katotohanan.
Subalit, kailan nagiging lehitimong proteksyon ang anonymity, at kailan ito nagiging isang maginhawang palusot? Ngunit paano kung ang mga dokumentong hawak ng mga auditor ay may mga pangalang walang katumbas na record sa Philippine Statistics Authority?
Ayon sa dating opisyal ng COA na si Heidi Mendoza,hindi dapat pinapayagan ang alyas o code dahil nawawala ang tunay na pananagutan sa taumbayan kahit pa sabihing may confidential ang paggamit ng pondo.
Patuloy itong tinatalakay sa mga pagdinig at pag-uusisa ng pamahalaan dahil sa pangambang ginagamit ito bilang lusot para sa maling paggasta ng kaban ng bayan.
Kailangang linawin at amyendahan ang mga patakaran ng gobyerno upang isara ang mga butas sa batas na nagpapahintulot sa malabo o kahina-hinalang liquidation dahil ang bawat sentimo ng pondo ng publiko ay may kaakibat na pananagutan.
Ang pagkakaroon ng mga hindi kapani-paniwalang pangalan at lagda ay naglalantad sa sistema sa posibleng pang-aabuso.
- Latest



















