4 ‘Maleta Boys’ bumaligtad na

MANILA, Philippines — Binawi na ng apat sa 18 tinaguriang “Maleta Boys” na nagpakilalang mga dating bodyguard ni ex-Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ang kanilang naunang sinumpaang salaysay kaugnay sa akusasyong nag-deliver sila ng maleta-maleta umanong pera sa ilang opisyal ng gobyerno, kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Boluntaryong lumapit kay GMA-7 reporter Mariz Umali ang apat na nakasuot ng face mask, dala nila ang kani-kaniyang notarized affidavit ng pag-recant. Giit nila, sila mismo ang nagsulat ng dokumento, walang namilit, at walang kapalit na tulong pinansyal.
“Gusto lang po naming mag-recant… binabawi na po namin yung mga unang salaysay. Gusto na po naming manahimik dahil sa ngayon ay tadtad kami ng mga kaso, may mga banta pa sa buhay namin,” pahayag ng isa sa kanila.
Nagpakita rin sila ng video kay Umali bilang patunay na sila mismo ang nagpa-notaryo ng bagong affidavit.
Ayon sa kanila, dati ay pinangakuan sila ng tulong pinansyal, hindi na kailangang magtrabaho sa loob ng dalawang taon, at bibigyan pa ng security personnel ang kanilang pamilya. Ngunit matapos ang dalawang buwan ng pag-iisip, napagdesisyunan nilang bawiin ang naunang salaysay.
Dagdag pa nila, ang naunang joint affidavit ay hindi nila sariling gawa kundi isinubo lamang sa kanila at pinapirmahan upang idawit sa flood control projects scandal ang mga itinuro nilang opisyal. Ang mga bagong affidavit na may lagda ay isinagawa nitong huling linggo ng Hulyo at unang linggo ng Agosto. Tatlo sa apat ang may joint affidavit na ngayon ay ginagamit sa imbestigasyon.
Kabilang sa kanilang inilahad ang umano’y matinding pamimilit, banta, at takot na naranasan nila nang papirmahan sa kanila ang joint affidavit noon sa mismong tanggapan ng Ombudsman. Sinabihan umano silang ikukulong at kakasuhan ng plunder, bribery, perjury, at falsification kung tatangging pumirma sa mga nakahandang dokumento.
Ngunit nang maaresto ang kanilang mga “handler” at humantong sa bangayan-politika ang usapin, minabuti nilang magsalita ng katotohanan para sa kaligtasan ng kanilang pamilya.
Batay sa mga affidavit, kabilang sa mga itinuro nilang handler ay sina Atty. Levito Baligod, dating Cong. Mike Defensor, at Sen. Rodante Marcoleta, na umano’y namahala sa paghahanda ng kanilang mga sasabihin sa media at maging sa susuoting damit.
Samantala, ayon sa Department of Justice (DOJ), nasa korte na ang hurisdiksyon ng kaso at anumang “substantive or procedural matters” ay saklaw na ng hukuman.
Samantala, bandang alas-4 ng hapon nang arestuhin ng mga tauhan ng Las Piñas City Police ang 10 pang “Maleta Boys” matapos mabigong makapagpiyansa sa 4 counts ng kasong perjury. Binasahan ang mga ito ng Miranda Rights.
Ayon sa ex-Marines na si George Villalon, nagulat sila sa ginawa ng apat nilang kasamahan kapalit ang katotohanan. Aniya, walang pangako o ibinigay na pera si Atty. Baligod upang ilahad ang kanilang nalalaman sa pagdadala ng “Maleta” kina Romualdez at Co.
Desisyon aniya ng apat ang “magrecant” sa posibilidad na nabili na umano ang mga ito ng pera. Aabot umano sa P20-25 milyon ang alok sa bawat isa upang bumaligtad.
Kaugnay nito, inanunsyo ni dating Senador Antonio Trillanes IV nitong Biyernes na iaatras na niya ang isinampang cyber libel at iba pang kaso laban sa apat na bumaligtad.
“I have already told my lawyer to withdraw the cases I filed against the four of them,” ani Trillanes. - Angie dela Cruz
- Latest























