Eala rumesbak kay Parks sa Toronto

MANILA, Philippines — Naisakatuparan ni Alex Eala ang matamis na resbak nang pataubin nito si Alycia Parks ng Amerika, 6-1, 4-6, 6-2, para umusad sa Round of 32 ng National Bank Open kahapon sa Sobeys Stadium Centre Court sa Toronto, Canada.
Walang sinayang na sandali ang Pinay netter nang inilabas nito ang kanyang bangis upang hablutin ang 1-0 bentahe.
Sinubukan ni Parks na pumalag matapos kunin ang second set gamit ang matatalim na serves para makahirit ng deciding third frame.
Ngunit mabilis na bumangon si Eala nang ilatag nito ang solidong baseline shots at crosscourt backhand para makuha ang panalo.
Matamis na resbak ito para kay Eala dahil si Parks ang nagpatalsik sa kanya sa first round ng Australian Open noong Enero sa iskor na 6-0, 3-6, 2-6.
Dinumog ang venue ng libong Pinoy fans sa Toronto. Kaya naman malaki ang pasasalamat ni Eala sa patuloy na pagsuporta sa kanya ng mga Pilipino saan mang panig ng mundo ito maglaro.
“There are so many Filipinos in the crowd tonight. So many flags. I am eternally grateful. I just came off Washington, and I feel that is a celebration,” ani Eala.
Hindi nakitaan ng pagod si Eala na sariwa pa sa matamis na kampeonato sa Mubalda DC Open sa Washington DC noong Martes.
“Alam n’yo, ‘yung linggo, linggo ko kayong nakikita at sinusuportahan n’yo ako. Linggo-linggo ko rin nakikita kung gaano n’yo mahal ang kapwa n’yo Pinoy,” ani Eala.
Hindi naman matutuloy ang inaabangang rematch nina Eala at reigning Wimbledon champion Linda Noskova.
Tinalo si Noskova ni American netter Caty McNally sa pamamagitan ng 7-6 (5), 6-1 desisyon.
Makakasagupa ni Eala si McNally sa Round of 32 sa Sabado.
- Latest
















