2 pulis Caloocan timbog sa pagbebenta ng baril

MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang aktibong pulis ng Caloocan City Police matapos na mahuli sa aktong nagbebenta ng baril sa isinagawang buy-bust operation nitong Huwebes ng umaga.
Nakumpiska sa operasyon ang ilang matataas na kalibre ng baril, mga bala, buy-bust money, mga cellphone, at dalawang motorsiklo.
Isasailalim sa ballistic examination ang mga nakumpiskang baril upang matukoy kung nagamit ang mga ito sa anumang krimen.
Inihayag naman ng pulisya na sasampahan ng kasong administratibo at kriminal ang dalawang pulis.
Ikinasa mismo ng Caloocan City Police Station ang buy-bust operation laban sa kanilang kabaro na may ranggong Police Staff Sergeant at Police Master Sergeant.
Naganap ang pag-aresto sa dalawa dakong alas-5:30 ng umaga nitong Agosto 6, kung saan isang sibilyan ang nagpanggap na bibili ng baril.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang 9mm na baril na inisyu ng Philippine National Police (PNP), isang calibre 38 revolver, 12-gauge shotgun, mga bala, marked money, dalawang cellphone at dalawang motorsiklo.
Nasa kustodiya na ng CCPS ang mga naarestong suspek at inihahanda na ang kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
- Latest






















