Bully China nangkuyog na naman sa Ayungin

Binatuta ng China Coast Guards sa ulo ang isang Filipino navy man sa gilid ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Ilang araw ang lumipas bago siya madala sa ospital dahil pinigilan ng mga barkong CCG ang saklolo.
July 20 nu’ng lumapit ang malaking rigid hull inflatable boat lulan ang walong Chinese. Bini-video nila ang barkong nakasadsad sa bahura. Bawal ‘yon. Ang Ayungin ay 105 nautical miles mula Palawan, pasok na pasok sa 200 nautical miles exclusive economic zone ng Pilipinas. Bawal du’n ang mga armadong dayuhan.
Mula sa Sierra Madre sinalubong sila ng dalawang Filipino navy men sa tig-isang RHIB na kalahati lang ang laki. Malumanay nilang pinakiusapan ang mga Chinese na umalis. Nanigaw ang walong dayuhan, lumapit sa isang Filipino navy man, at hinataw ito ng bamboo sa bunbunan. Na-video ang buong pangyayari.
Ugali ng China mam-bully sa West Philippine Sea. Nu’ng June 17, 2024 naputol ang hinlalaki ng isang Filipino navy man dahil binunggo ang bangka nila ng Chinese RHIB.
Nagdadala ng pagkain, tubig, at gamot ang Filipino RHIB lulan ang anim na navy men. Bigla silang pinalibutan ng walong Chinese RHIBs na may tig-walong sakay. Binundol ng isang Chinese RHIB ang bangkang Pilipino. Sumampa sila sa bangka armado ng itak at sibat.
Pinagbubutas ng Chinese ang bangkang Pilipino. Tinapon sa dagat ang mga pagkain, tubig, at gamot. Ninakaw ang mga disassembled M16s na nasa kahon. Hinarang ng mga barko nila ang saklolo.
Nanggulo ang Chinese sa Ayungin dahil sa galit nila sa mundo. Ika-sampung anibersaryo nu’ng July 16 ng tagumpay ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague. Binasura ng PCA ang nine-dash line claim ng China sa WPS. Apat napu’t apat na bansa ang sumuporta sa Pilipinas. Nabistong walang hiya ang China.
- Latest

















