^

PSN Opinyon

‘Wag sana puro reklamo

Magmiron Tayo - Rowena del Prado - Pilipino Star Ngayon

Itinaas na ng gobyerno ang fuel subsidy para sa mga dyip sa P12 kada litro. Isang hakbang ito na layong magbigay-ginhawa sa sektor ng transportasyon na matagal nang dumadaing sa taas ng presyo ng langis. Ngunit imbes na pasalamatan, muling nagbanta ang isang grupo ng transportasyon ng 3 araw na tigil pasada at iginiit na hindi pa rin sapat ang ayuda.

Nakikisimpatiya tayo sa mga tsuper dahil talaga namang halos wala na silang naiuuwi dahil sa mahal ng krudo. Pero kung tutuusin, hindi lang naman sila ang dumaranas ng bigat ng krisis. Ang mga ordinaryong manggagawa, estudyante, at pamilyang Pilipino ay araw-araw ring suma­salo sa epekto ng mahal na bilihin, kuryente, at pamasahe. At higit sa lahat, naroon ang middle class - ang sektor na tahimik na nagbabayad ng buwis, ngunit walang natatanggap na direktang ayuda mula sa gobyerno. Sila rin ay nasasaid. Tuwing may subsidyong ipinamimigay, tila lagi silang nakakaligtaan. Walang libreng bigas, walang cash assistance, walang fuel subsidy. Ang tanging gantimpala sa kanilang pagsunod ay dagdag kaltas at mas mabigat na gastusin.

Ang dagdag na dalawang piso sa subsidy ay hindi perpekto, ngunit malinaw na may pagsisikap ang pamahalaan na tugunan ang hinaing ng sektor. Pero hanggang saan ba ang makatuwirang hiling? Kung bawat hakbang ng gobyerno ay susuklian ng reklamo at bantang tigil pasada, hindi ba’t lalong naaapektuhan ang mas nakararami? Ang public transport ay gulugod ng ekonomiya, at ang anumang paralisasyon ay hindi lamang laban sa pamahalaan kundi laban sa mga pasaherong araw-araw umaasa sa dyip.

Hindi masamang magpahayag ng hinaing, ngunit dapat ding makita ang mas malaking larawan. Ang krisis sa langis ay pandaigdigang suliranin, hindi lamang pambansang isyu. Kung patuloy na puro reklamo ang maririnig, baka tuluyang mawalan ng simpatiya ang publiko sa sektor na dati’y kinikilala bilang “hari ng kalsada.”

Ang solusyon ay hindi laging tigil pasada, kundi mas maayos na dayalogo, mas malinaw na plano, at patas na sakripisyo mula sa lahat dahil ang tunay na laban ay hindi sa pagitan ng gobyerno at mga tsuper, kundi laban sa mataas na presyo ng langis.

FUEL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with