Himala: Maysakit na ina, nakaligtas (Part 2)
BUKOD sa araw-araw na pag-aalay ko ng bulaklak na sampaguita kay Mama Mary, araw-araw din akong nagrorosaryo. Hindi ko kinalilimutan ang pagrorosaryo sapagkat ito ang pinakamabisang paraan para mapalapit kay Mama Mary at sa anak na si Hesus.
Kahit antok na antok ako, pilit kong tinatapos ang pagrorosaryo. Pagkatapos kong magrosaryo ay nakadarama ako ng kaginhawahan at kapanatagan. Hinihiling ko kay Mama Mary na iligtas kaming mag-ina sa panganib.
Mula nang sabihin ni Mama na huwag na akong tumulong sa kanya sa pagtitinda sa palengke at mag-aral na lamang mabuti, sinunod ko siya.
Kailangan kong makakuha nang mataas na grades para makakuha ng scholarships. Kapag nakakuha ako ng scholarships, wala nang problema sa pag-aaral sa kolehiyo. Kailangan lang i-maintain ang mataas na grado.
ISANG hapon na galing sa palengke si Mama ay napansin kong pagod na pagod siya at tila hinahabol ang paghinga.
“Anong nangyayari sa’yo Mama?”
“Napagod lang. Pahingi ng tubig, Maria,” sabi ni Mama at umupo sa sopa.
Dali-dali kong ikinuha ng tubig si Mama. (Itutuloy)
- Latest


















