Yee maganda ang naging ‘sugal’ sa ZUS Coffee
MANILA, Philippines — Mula sa isang pagiging natural middle blocker ay naglalaro ngayon si 5-foot-11 AC Miner bilang isang opposite hitter sa kampanya ng ZUS Coffee sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour.
Nagresulta ito sa dalawang sunod na panalo ng Thunderbelles ni coach Jerry Yee.
“Kapag tatlo silang middle o apat, may hindi talaga maglalaro, so talagang merong isa na magsu-switch talaga,” paliwanag ni Yee. “Ta-transition na rin naman ‘yung mga opposite natin, so unti-unti, nagpapaka-bata tayo talaga.’
Kabilang kasi ang 23-anyos na si Miner sa mga middle blockers ng ZUS Coffee kasama si PVL Best Middle Blocker Riza Nogales, mga baguhang sina Zam Nolasco at Nicole Ong at Alas Pilipinas member Thea Gagate.
Sa 2-0 record ng Thunderbelles sa torneo ay nagtala sila ng pinagsamang 30 blocks.
Sa 25-11, 25-23, 26-28, 25-17 panalo sa Akari ay naglista ang ZUS Coffee ng 13 blocks kasunod ang 17 blocks sa 25-14, 25-20, 25-23 pagwalis sa Choco Mucho noong Sabado sa Batangas City Sports Coliseum.
Hindi na nahirapan si Miner na maglaro bilang isang opposite hitter dahil ito ang kanyang naging posisyon sa Ateneo Blue Eagles sa UAAP Season 87.
“As long as willing ‘yung bata, and then sayang naman kasi ‘yung mga middles natin, hindi natin mama-maximize,” wika ni Yee kay Miner.
Dadalhin ang PVL On Tour sa Vigan City, Ilocos Sur sa Hulyo 25 tampok ang upakan ng Nxled at Capital1 Solar Energy sa alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng nagdedepensang PLDT at Choco Mucho.
Hangad ng High Speed Hitters ang kanilang back-to-back crown matapos magreyna sa preseason conference noong nakaraang taon.
- Latest



















