Sato, Akari sasagupa sa Zus

PVL on tour lalarga na
MANILA, Philippines — Itatampok ng Akari ang nagbabalik na si Risa Sato sa pagharap sa ZUS Coffee sa paghataw ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour ngayong hapon sa Capital Arena sa Ilagan City, Isabela.
Lalabanan ng Chargers ang Thunderbelles sa unang laro sa alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng Creamline Cool Smashers at Nxled Chameleons sa alas-6:30 ng gabi.
Makakasama ni Sato, may 10 PVL titles sa Creamline, sa Akari sina Ivy Lacsina, Fifi Sharma, Grethcel Soltones, Ced Domingo, Eli Soyud at Faith Nisperos at mga baguhang sina Ann Monares at Sharya Ancheta.
Itatapat ng ZUS Coffee sina AC Miner, Thea Gagate, Jovelyn Gonzaga, Chinnie Arroyo, Fiola Ceballos, Jolina dela Cruz, Riza Nogales, Cess Robles, Chai Troncoso, Kate Santiago at ace setter Cloanne Mondoñedo.
Ang PLDT ang magdedepensa ng kanilang PVL On Tour crown.
Sa ikalawang laro, ipaparada ng Cool Smashers ang mga bagong mukhang sina Dona Paralejas, Erin Pangilinan, Ishie Lalongisip at rookie standout Barbie Jamili sa pagharap sa Chameleons.
“Wala kaming camp or anything but medyo ilang months din nakapag-training ‘yung buong team for the PVL On Tour Showdown and very excited kasi may mga bago kami – sila Erin, si Dona – for this conference,” ani Creamline star Alyssa Valdez.
Muling makakatuwang ni Valdez sa hangad nilang ika-12 PVL crown sina Jema Galanza, Tots Carlos, Pangs Panaga, Bea de Leon, Jia de Guzman at Kyle Negrito.
Itatapat ng Nxled sina Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips katulong sina Myla Pablo, Lyann de Guzman, Ranya Musa, Aduke Ogunsanya, Chiara Permentilla, Jonah Escamillan, Jovelyn Fernandez, Jackie Acuña at veteran setter Gel Cayuna.
Hindi papayagan ang mga miyembro ng Alas Pilipinas na maglaro sa PVL On Tour na may nakalatag na premyong P100,000 para sa magkakampeon.
- Latest


















