10-anyos 2 beses nasagasaan ng SUV

Humiga sa kalsada
MANILA, Philippines — Patay ang isang 10-anyos na batang lalaki matapos na dalawang ulit na masagasaan ng isang sports utility vehicle (SUV) sa Brgy. Balingasa, Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.
Sa naantalang ulat sa Quezon City Police District Traffic Sector 1, na pinamumunuan ni PLt. Jason Santoceldes, nakita umano sa CCTV na naglalaro ang bata bandang alas-9 ng gabi sa Anahaw St. Brgy. Balingasa ng nabanggit na lungsod.
Nakita itong humiga sa kalsada at saka biglang umupo nang paparating ang SUV na minamaneho ni alyas “Al”, 55.
Dito na natumbok ang biktima. Hindi naman huminto ang suspek at sa halip ay nagpatuloy sa pag-arangkada at muling nasagasaaan ang biktima. Naisugod pa sa ospital ang bata ngunit kalaunan ay namatay din ito.
Ayon kay Santoceldes, tila hindi napansin ng driver ang bata dahil pababa ang kalsada kaya nasagasaan.
Tumakas naman ang suspek subalit sa ginawang follow up operations agad din naman itong naaresto.
Nasa kustodiya ng pulisya ang suspek ng SUV na sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.
- Latest

















