^

Punto Mo

Dialysis center, bakit ­dumarami?

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Kapansin-pansin sa maraming lungsod at lalawigan ang pagdami ng mga stand-alone dialysis center o mga pribadong pasilidad na hindi konektado sa mga ospital.

Walang madaling makuhang opisyal na tala kung ilan ang mga bagong dialysis center na naitatayo bawat taon pero ipinakikita nito na patuloy na lumalaki ang pangangailangan sa serbisyong ito. Isang indikasyon sa pagdami ng mga Pilipinong dumaranas ng chronic kidney disease. Kabilang sa pinakamalalaking sanhi ng pagkasira ng kidney ang diabetes at altapresyon. Kapag hindi nakontrol ang mga ito sa loob ng maraming taon, maaari nitong unti-unting sirain ang kidney hanggang sa hindi na ito makapaglinis ng dugo at makapag-alis ng mga dumi at sobrang tubig sa katawan.

Hindi naman gamot ang dialysis. Pansamantala lamang nitong pinapalitan ang ilan sa mahahalagang gawain ng kidney. Kaya para sa maraming pasyente, kailangan nilang sumailalim sa dialysis nang dalawa o tatlong beses bawat linggo upang manatiling buhay. Kapag itinigil ang gamutan nang walang payo ng doktor, maaaring mabilis na lumala ang kanilang kondisyon.

Hindi lahat ng sakit sa kidney ay permanente. Kung maagang matutuklasan, may mga sakit sa bato na maaari pang magamot o mapigilan ang paglala. Ngunit kapag umabot na sa end-stage kidney disease, karaniwang dialysis o kidney transplant na lamang ang natitirang opsiyon.

Mayroon namang kidney transplant ngunit hindi ito madaling makuha. Kulang ang mga organ donor, mahaba ang listahan ng mga naghihintay, at kailangan ding magkatugma ang donor at tatanggap ng kidney. Pagkatapos ng transplant, kailangan pang uminom ng mga gamot habang-buhay upang hindi tanggihan ng katawan ang inilipat na organ.

Malaking tulong ang pinalawak na benepisyo ng PhilHealth sa dialysis, ngunit nananatili pa ring mabigat ang kabuuang gastusin para sa maraming pamilya. Bukod sa dialysis sessions, kailangan pang gumastos sa laboratory tests, maintenance medicines, konsultasyon at pamasahe ng pasyente. Hindi rin lahat ay may kakayahang sumailalim sa kidney transplant.

Patuloy namang nagsasaliksik ang mga siyentipiko ng mga bagong paraan upang matugunan ang kakulangan ng mga organ donor. Isa sa pinag-aaralan ang paglipat ng genetically modified na kidney ng baboy sa tao o tinatawag na xenotransplantation. May ilang matagumpay nang eksperimento sa ibang bansa, ngunit wala pa itong lugar sa karaniwang gamutan.

Ayon sa mga dalubhasa, nananatiling pinakamabisang paraan upang mabawasan ang panganib ng chronic kidney disease ang pag-iwas dito. Kabilang sa kanilang mga payo ang regular na pagpapasuri, pagkontrol sa diabetes at altapresyon, pagpapanatili ng tamang timbang, pagkain ng masustansiya, pag-iwas sa paninigarilyo at pagpapakonsulta agad sa doktor kung may nararamdamang sintomas ng sakit sa kidney.

•••••

Email -[email protected]

DIALYSIS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with