Permit sa 3rd day rally ng INC binawi ng Quezon City

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Quezon City Department of Public Order and Safety chief Ret Gen. Elmo San Diego na binawi na nila ang permit para sa ikatlong araw na rally ng Iglesia ni Cristo (INC) ngayong Huwebes.
Ito’y kasunod ng mga reklamong natatanggap ng law and order cluster.
Sa ngayon ay naka-hold ang naturang permit habang hinihintay ang mga susunod na desisyon at kaukulang koordinasyon kaugnay ng aktibidad.
Una nang hiniling ng INC ang extension hanggang Hulyo 3 subalit sinabi ni San Diego na depende ito sa assessment nila sa sitwasyon. Aniya, itinuturing na nilang “water under the bridge” o tapos na ang naturang insidente ang biglaang rally ng INC nitong Martes.
Natuloy naman ang pagtitipon ng mga miyembro ng INC sa People Power Momument nitong Miyerkules kung saan ang iba ay nag-overnight pa upang ipakita ang kanilang suporta kay Senador Rodante Marcoleta na nahaharap sa kasong plunder.
Nabatid na sa pinakahuling tala ng Quezon City Police District bandang alas-7:20 ng gabi nasa 10,000 ang dumagsa sa PPM habang nasa 2,500 pulis naman ang ikinakat sa bisinidad.
Inutos naman ni QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio ang patuloy na pagbabantay sa lugar at pagpapairal sa maximum tolerance sa mga raliyista.
Samantala, nagdoble higpit naman ang Manila Police District (MPD) sa Mendiola kasunod ng pagpapatuloy na rally ng INC upang protektahan si Sen. Rodante Marcoleta na inaasahang mahaharap sa kasong plunder.
Ilang kalsada sa lungsod ang isinara at mahigpit na binabantayan ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD), partikular na yaong nakapaligid sa Mendiola. Kabilang sa mga naturang kalsada ang bahagi ng Recto Avenue, Legarda St. at Casal St., gayundin ang Ayala Bridge, na kinordon at nilagyan rin nila ng mga barikada.
Siniguro rin niya na may sapat na bilang ng mga kapulisan silang nakakalat sa mga istratehikong lugar upang magbantay doon.
- Latest





















