Pangilinan bilib kay Alapag
MANILA, Philippines — Sapat na ang NBA coaching experience ni Jimmy Alapag para kunin siya ni PLDT chairman at CEO Manny V. Pangilinan bilang bagong head coach ng NLEX.
Anim na taon nanirahan ang 48-anyos na dating TNT at Meralco point guard sa US kung saan siya naging assistant coach sa Stockton Kings sa G-League at player development coach sa Sacramento Kings mula 2023 hanggang sa pagtatapos ng 2025-26 NBA season.
Ito ang kredensyal na inaasahan ni Pangilinan na gagamitin ni Alapag, isang six-time PBA champion point guard, sa paggiya sa Road Warriors sa Season 50 PBA Governors’ Cup na magbubukas sa Hulyo 10.
“Of course, now that he has spent six years of coaching chores in the States, I think he is now better prepared to partake on coaching duties here in the country,” wika ng PLDT chief sa tinaguriang ‘Mighty Mouse’.
Ang miyembro ng PBA 50 Greatest Players at 2003 Rookie of the Year at 2011 Most Valuable Player ang ipinalit ng NLEX kay Jong Uichico.
Hindi pa nakararating sa PBA Finals ang Road Warriors simula nang pumasok sa liga noong 2014.
At naniniwala si Pangi-linan na magagawa ito ni Alapag, dating team captain ng Gilas Pilipinas.
“It’s a no brainer in many ways. He’s a great player, good leader and instrumental in the Gilas (Pilipinas) participation in the World Cup in 2014 in Seville (Spain),” ani Pangilinan kay Alapag. “So he’s a good coach I think.”
Minalas ang Road Warriors na makapasok sa nakaraang Season 50 PBA Commissioner’s Cup Finals matapos matalo sa Tropang 5G sa kanilang semifinals showdown.
Sinimulan kahapon ni Alapag ang kanyang trabaho sa pagharap ng NLEX sa Blackwater sa isang tune-up game.
- Latest






















