Biado hari sa Predator PBC Open 10-Ball

MANILA, Philippines — Talo na nanalo pa.
Ito ang naging usap usapan sa social media matapos sikwatin ni three-time World Champion Filipino pool player Carlo Biado ang korona sa Predator PBC International Indonesia Open 10-Ball na nilaro sa Jakarta, Indonesia, Sabado ng gabi.
Kinalos ng 42 anyos na si Biado ang kapwa Pinoy na si Paolo Gallito sa hill-hill 10-9 match upang ibulsa ang tumataginting na premyong $25,000, o P1.5 milyon.
Naghahabol si Biado matapos ang 17th rack 8-9 sa kanilang Race to 10 championship match kay Gallito.
Sisikwatin na ni Gallito ang titulo dahil dalawang bola na lamang ang natitira at siya ang tumutumbok, naipasok nito ang eight ball kaso dahan dahan naman hinihigop ng butas ang mother ball kaya naman na scratch ito.
Nagkaroon ng pagkakataon na tumayo at tapusin ni Biado ang laro, itinutok ang bola sa 10-ball dahilan upang magtabla sa 9-9 papasok ng 19th at final rack.
“Suwerte lang, hindi ko akalaing ma scratch pa yung bola,” masayang sabi ni Biado. “Para sa akin siguro itong laro,”
Nakopo ni Gallito ang second place prize na $12,000 (P738,000) at para kay Biado magaling ang kanyang nakalaban at darating ang araw na hihirangin itong kampeon.
Dalawang beses nagkampeon si Biado sa World Nine-ball Championship ito’y noong 2017 at 2025 at isang beses sa World Ten-ball Championship (2024).
- Latest




















