Kabataan pag-asa pa ba ng bayan?
ANG pagtaas ng mga karahasang sangkot ang mga kabataan tulad ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, insidente ng pananaksak sa Cavite, pambubugbog ng isang kabataan sa dalawang lalaking senior citizen sa loob ng pampasaherong jeep sa Muntinlupa ay nagpapakita ng matinding krisis sa lipunan.
Ang katagang “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan” ay ang tanyag at walang kamatayang linyang nagmula sa ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal.
Madalas na ginagamit upang ipaalala ang napakahalagang papel ng mga kabataan sa paghubog at pagpapaunlad ng kinabukasan ng bansa.
Ngunit ang pag-asang ito ay nakasalalay sa mga pagpiling ginagawa ng isang kabataan sa araw-araw ng kanyang buhay.
Ang patuloy na pagkakasangkot ng mga kabataan sa karahasan at gulo—tulad sa mga riot at karahasan sa loob ng mga paaralan ay sumasalamin sa malalim na isyu ng kawalan ng gabay, kahirapan, at kakulangan sa mga programa para sa mga bata.
Ang unang reaksyon ng marami ay galit, pagkadismaya, at mabilis hinuhusgahan ang mga kabataan bilang mga salarin.
Subalit, kung susuriin ang ugat ng problema ay sino nga ba talaga ang dapat sisihin?
Maraming pag-aaral, tulad ng mga inilalabas ng Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC), ang nagpapakita na ang mga kabataan sa labas ng batas ay kadalasang biktima rin ng kanilang kapaligiran. Ang kahirapan, pagpapabaya ng pamilya, kakulangan sa edukasyon, at masamang impluwensya ng barkada ang nagtutulak sa kanila sa maling landas. Marami sa kanila ay napapabayaan sa bahay at naghahanap ng atensyon at pagkakakilanlan na napupunta sa maling paraan.
Sa gitna ng mga paulit-ulit na krimen ay muling nabubuksan ang diskusyon sa pagbaba ng edad ng criminal liability.
“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan” ay nananatiling katotohanan ngunit may kondisyon. Bagamat marami ang napapabilang sa iba’t ibang isyu tulad ng maling paggamit ng teknolohiya o kawalan ng direksyon, sila pa rin ang may pinakamalaking potensyal na magdala ng pagbabago, lalo na’t sila ay edukado, mapanuri, at may malasakit.
Ang pamahalaan, mga paaralan, at bawat tahanan ay dapat magtulungan sa paghubog ng ugali at kaisipan ng kabataan.
Sa pamilya ay dapat manguna ang magulang na ilapit ang kanilang mga anak sa Diyos upang sila ay maging isang mabuting mamamayan ng lipunan.
Sabi sa Mga Kawikaan 22:6 ay Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki’y ‘di niya ito malilimutan.
Kung tayong mga magulang ay isang maling ehemplo sa ating mga anak, ‘wag nang magtaka kung sila ay lalaki na mapapabilang sa problema ng lipunan.
- Latest





















