Gen. Miranda, inutil sa jueteng ni Kap Nemo!
FLASH Report: Wala nang dahilan si PRO5 director Brig. Gen. Erosito Miranda para hindi balibagin itong patuloy na jueteng operations ni Kap Nemo sa Albay. Matapos makakuhang muli ng P6 milyon sa bangka n’yang si alyas Intal na taga-Pampanga, panandaliang nawala si Kap Nemo subalit bumalik na muli nitong Martes at bomola. Ang gamit ng pulyetos o bet lists ni Kap Nemo ay peke kaya’t maliwanag pa sa sikat ng araw na jueteng ito. Get’s mo Gen. Miranda Sir? Ang labas sa Camalig town noong Martes ay 31x33 sa umaga, at 24x24 o pompiyang sa hapon. Ang labas naman nitong Miyerkules ng tanghali ay 34x3 at 23x19 sa hapon. Para sa kaalaman ni Gen. Miranda ang draw court sa ngayon ni Kap Nemo ay sa gray gate sa Purok 3, Imperical Court Subdivision, Bgy, 24, Rizal St., Legaspi City. Maiipit talaga si Gen. Miranda rito dahil t’yak me basbas ng pulitiko itong jueteng ni Kap Nemo, na nagyabang pa na “top to bottom” ang kausap n’ya. Purbidang yawaahhhhh! Kasama ka ba sa kausap ni Kap Nemo, Albay Gov. Noel Rosal Sir? Tanong lang po!
•••••
LUMALAKAS ang suporta ng publiko sa liderato ni PRO6 director Brig. Gen. Randulf Tuaño, lalo na sa aspeto ng loose firearms at pampasabog. May ebidensiya naman dito dahil umabot sa 489 na baril at 82 pampasabog ang nakumpiska at isinuko sa loob ng 30 araw na kampanya ng pulisya. Ayon kay Tuaño, epektibo ang pakikipagtulungan ng publiko sa paghabol ng mga illegal na baril, na naging dahilan para maging tahimik at mapayapa ang kanyang rehiyon. “Ang pagkakabawi ng mga baril at pampasabog na ito ay malinaw na bunga ng matibay na pagtutulungan ng kapulisan at ng komunidad. Bawat baril at pampasabog na naaalis sa sirkulasyon ay nakababawas sa panganib ng karahasan, nakapagliligtas ng buhay, at nakatutulong sa pagpapanatili ng mas ligtas na mga komunidad sa buong Western Visayas,” ayon kay Tuaño.” Idinagdag pa ni Tuaño na ang magandang samahan ng pulisya at publiko ay ang pinakamagandang sandata sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Western Visayas. Ano pa nga ba? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Sa kabuuang bilang, 439 na baril at 79 na pampasabog ang boluntaryong isinuko ng mga sibilyan, habang 19 na baril naman ang idineposito para sa safekeeping ng mga may-ari na sumasailalim sa pag-renew ng kanilang lisensya. Samantala, 31 na baril at tatlong pampasabog ang nakumpiska sa iba’t ibang operasyon ng pulisya. Nanguna ang Iloilo Police Provincial Office sa pinakamaraming nakuhang 197 armas at 48 pampasabog, sinundan ng Capiz Police Provincial Office (CPPO) na may 85 baril at 13 pampasabog, at Antique Police Provincial Office (AnPPO) na may 65 baril at pitong pampasabog. Kung walang baril sa kalye, bababa talaga ang krimen! Abangan!
- Latest















