DOTr pinakikilos vs isyu sa LRT-1 Cavite Extension

MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Transportation Secretary Giovanni Lopez na agarang tugunan ang mga problemang nagdudulot ng pagkaantala sa LRT-1 Cavite Extension Project.
Kasunod ito ng liham ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos na nag-ulat ng mga balakid sa proyekto, kabilang ang C-5 Quirino Flyover sa Las Piñas na umano’y nakaharang sa itinakdang ruta ng LRT-1 extension.
Ayon kay Santos, ang P300.39 milyong flyover na natapos noong 2024 ay naitayo sa orihinal na right-of-way ng proyekto, dahilan upang maantala ang Phase 2 at posibleng maitulak hanggang 2028 ang operasyon ng mga istasyon sa Las Piñas at Zapote.
Inatasan ng Pangulo ang DOTr na makipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensiya upang agad maresolba ang mga isyu at matiyak ang tuluy-tuloy na pagpapatupad ng P64.9 bilyong proyekto na inaasahang magpapagaan sa biyahe ng libu-libong commuter sa pagitan ng Metro Manila at Cavite.
- Latest

















