Eala minalas agad sa Homburg Open

MANILA, Philippines — Maagang nasibak si Alex Eala sa singles matapos lumasap ng 3-6, 3-6 kabiguan sa kamay ni Elise Mertens ng Belgium sa opening round ng WTA 500 Bad Homburg Open kahapon sa Germany.
Maganda ang simula ni Eala na pumalo ng 3-1 kalamangan sa first set.
Subalit hindi ito nasustenihan ng Pinay netter nang maglatag ng solidong 5-0 run si Mertens para makuha ang first set.
Sa second set, nadala ni Mertens ang magandang momento para tuluyang patalsikin si Eala sa kontensiyon.
Ito ang ikatlong panalo ni Mertens laban kay Eala.
Una nang tinalo ni Mertens si Eala sa Round of 32 ng Jasmin Open noong 2023 (7-5, 6-0) at Round of 64 ng Madrid Open noong Abril (6-2, 6-1).
Sesentro na ang atensiyon ni Eala sa doubles event kung saan makakapares nito si legendary tennis player Venus Williams.
Sisimulan nina Eala at Williams ang kampanya nito sa doubles kontra kina Alexandra Osborne ng Australia at Catherine Harrison ng Amerika.
Nakatakda ang laro sa alas-5 ng hapon (oras sa Maynila).
Galing si Eala sa matikas na ratsada sa Berlin Open sa Germany kung saan nakaabot ito sa semis.
Kabilang sa mga pinataob ni Eala sa Berlin Open sina world No. 2 Elena Rybakina ng Kazakhstan sa second round at world No. 8 Elina Svitolina ng Ukraine sa quarterfinals.
Natalo lamang si Eala sa semis laban kay Linda Noskova ng Czech Republic.
Si Noskova ang nagkampeon sa singles at doubles ng Berlin Open.
Sa kabila ng maagang pagkakasibak sa Bad Homburg Open, nakasiguro si Eala ng 11,309 Euros o mahigit P700,000 premyo.
- Latest

















