Gregorio optimistiko sa Batang Pinoy

MANILA, Philippines — Optimistiko ang Philippine Sports Commission (PSC) na magiging maganda ang resulta ng pagbabago nila sa age bracket ng darating na 2026 Batang Pinoy sa Bacolod City.
Ibinaba ng PSC sa walo hanggang 15-anyos ang age bracket ng taunang sports meet mula sa orihinal na 12-anyos hanggang 17-anyos.
“It is the right thing to do because they need to get exposure at a very young age,” ani PSC chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio kahapon sa PSA Forum sa PSC Media Room.
“And ito po, diniscuss namin sa DepEd ito, sinangguni rin po namin sa UP College of Kinetics, pinag-aralan namin na puwede nang mag-compete ang eight years old,” dagdag ng PSC chief sa sesyon na inihandog ng San Miguel Corporation, PSC, Philippine Olympic Committee, MILO at 24/7 sports app ArenaPlus.
Ang mga student-athletes na may edad 15-anyos pataas ay maaari nang tumutok sa Palarong Pambansa.
Kumpiyansa ang Bacolod City na magiging matagumpay ang pamamahala nila sa Batang Pinoy na huling idinaos sa General Santos City noong nakaraang taon.
“The first time we hosted Batang Pinoy was in 1999, and we’re all excited and happy to host the 2026 edition,” wika ni Bacolod City Mayor Greg Gasataya.
Mula sa 27 ay 30 sports events ngayon ang inilatag para sa Batang Pinoy na nakatakda sa Disyembre 12 hanggang 18.
- Latest

















