Himala: Nakaligtas sa ambush (Part 2)
GALING kami sa palengke at bumili ng supply na pagkain, sakay kami ng military truck. Anim kaming sundalo kabilang ang driver na lulan ng truck. Ang dalawang sundalo ay nasa harapan samantalang ako at ang dalawa pang sundalo ay nasa likuran.
Pagsapit namin sa isang kurbada at makahoy na lugar, mayroon na palang nag-aabang sa amin na mga kaaway. Nakapuwesto sila sa magkabilang gilid ng kalsada.
Sa isang iglap, pinaulanan kami ng bala. Napakarami nang umulan na bala. Nagliyab ang unahan ng aming sinasakyang 6x6 truck dahil sa dami ng putok.
Tinamaan ang aming drayber kaya hindi na gumalaw ang sasakyan.
Kaming tatlong sundalo na nasa likuran ay mabilis na tumalon at nagkubli sa mga gulong ng truck. Lumaban kami sa mga rebelde. Hindi kami tumigil sa pagpapaputok para hindi lubusang makalapit ang mga kaaway. Masyadong malapit na ang distansiya ng mga kaaway.
Habang nakikipagpalitan kami ng putok, sinasambit ko ang isang dasal na noon pa ay memoryado ko na—ang Psalm 91. Paulit-ulit kong dinasal ang Psalm 91.
Ang aking mga kasamahan ay patuloy din sa pagpapaputok.
Hanggang makita ko na umaabante ang mga kalaban patungo sa kinaroroonan namin. Marami sila.
Patuloy akong nagdasal. Paulit-ulit kong sinambit ang Psalm 91. (Itutuloy)
- Latest


















