Cayetano bloc dumulog sa SC

MANILA, Philippines — Naghain ng “Petition for Certiorari” sa Supreme Court ang grupo ni Sen. Alan Peter Cayetano kung saan ipinadedeklara nilang walang bisa ang sesyon ng Senado noong Hunyo 3, 2026.
Bukod kay Cayetano, kasama sa naghain ng 83-pahinang petisyon sina Sens. Loren Legarda, Pia Cayetano, Jinggoy Estrada, Bong Go, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Robin Padilla, at Camille Villar.
Kapuna-puna na hindi kasama sa mga senador na dumulog sa SC sina Senators Joel Villanueva at Mark Villar.
Matatandaan na natuloy ang sesyon noong Hunyo 3 matapos sumipot si Sen. Francis “Chiz” Escudero kaya nagkaroon ng quorum at nahalal si Senator Win Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore.
Hiniling din ng grupo ni Cayetano na agarang ipatigil ng SC ang lahat ng ginagawa ng grupo ni Gatchalian kabilang ang mga chairpersons ng iba’t ibang komite.
“All respondents, including as Committee Chairpersons of the Gatchalian bloc to immediately cease and desist from asserting and performing and continuing to assert and perform, functions and duties emanating from positions and offices obtained or vested during and by virtue of the proceedings on June 3, 2026,” nakasaad sa petisyon.
Nauna rito, tiniyak ni Gatchalian na tuloy ang special session ngayong araw, Hunyo 17, 2026 matapos itong ipatawag ng Malacañang.
- Latest




















