105 araw na paternity leave, isinulong

MANILA, Philippines — Naghain si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ng panukalang batas na layong palawigin ang benepisyo ng paternity leave para sa mga ama mula sa kasalukuyang pitong araw tungo sa kabuuang 105 araw.
Sa ilalim ng panukalang Paternity and Parental Leave Act (PAPA Leave Act), madadagdagan ang bayad na paternity leave ng 90 tuluy-tuloy na araw. Maaari ring magamit ang karagdagang 15 araw na bayad na leave sa loob ng isang taon mula sa kapanganakan ng anak.
“Dati, maaaring okay pa ‘yan (pitong araw na bayad na leave) kasi ang nasa isip natin noon, ang mga tatay ang kumikita, ang mga nanay ang nasa tahanan. Pero iba na rin ang panahon ngayon at kailangan maitapat natin ang paternity leave sa maternity leave dahil lumalabas sa mga pag-aaral na malaki rin ang papel ng tatay sa child development,” ani Diokno.
“Kaya naisip namin na maganda na maisama na natin at mabigyan ng pagkakataon ang mga tatay na maalagaan din nila ang kanilang mga anak habang nasa mahalagang yugto ng child development.”
Saklaw ng PAPA Leave Act ang parehong may asawa at walang asawang ama.
Gayunpaman, nagbabala si Diokno na ang mga ama na hindi gagamit ng bayad na leave para suportahan ang kanilang pamilya ay maaaring makasuhan.
- Latest


















