Baldwin, posibleng makulong ng 3 taon - DOLE
MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino na maaaring makulong ng hanggang tatlong taon si Ateneo Coach Tab Baldwin.
Ito’y kung walang maipapakitang Alien Employment Permit (AEP) o kung may makikitaan ng paglabag si Baldwin hinggil sa pagkalunod ni Rene Baterbonia at Divine Adili isang team building activity sa Aurora.
Paliwanag ni Tolentino, tatlong buwan hanggang tatlong taon ang maaring bunuin ng foreign coach sa likod ng rehas bago ito ipa-deport sa kanyang home country.
Ayon kay Tolentino, mahalaga ang AEP ni Baldwin dahil dito makikita kung dapat ba itong magtrabaho sa bansa at kung hanggang kailan.
Samantala, itinakda na ng DOLE sa Hunyo 29 ang pormal na pagdinig hinggil saworking permit verification ni Baldwin. Sa ilalim ng panuntunan, mayroong 10-araw si Baldwin o hanggang sa Hunyo 25 upang magsumite ng beripikadong sagot at mga supporting documents.
“After June 25, magkakaroon tayo ng isang formal hearing sa June 29. Sang-ayon sa batas, sinusunod lang natin ‘yan. Allowed sila ng dalawang hearings pero kung isang hearing lang, after the initial hearing, we have 30 days to resolve,” ani Tolentino.
Nagprisinta naman ang kampo ni Baldwin ng Alien Certificate of Registration (ACR), na nagpapakita ng kanyang estado bilang legal na residente ng Pilipinas. Nilinaw ni Tolentino na ang ACR ay hindi awtomatikong nag-aawtorisa sa isang dayuhan na magtrabaho sa bansa.
Ang dokumento umano na hinihingi ng DOLE kay Baldwin ay ang AEP at ang existence at validity ng naturang permit ay malilinawan sa sandaling magsumite na siya ng beripikadong tugon.
- Latest






















