Gobothia, Roda hari ng Philippine Athletics

MANILA, Philippines — Matagumpay na nadepensahan nina Junel Gobothia at Jessa Mae Roda ang kani-kanyang korona sa ICTSI Philippine Athletic Championship na ginaganap sa New Clark City Athletic Stadium sa Capas, Tarlac.
Dinomina ni Gobothia ang men’s 3,000-meter steeplechase sa loob ng siyam na minuto at 8.35 segundo para masungkit ang gintong medalya.
Mas maganda ang oras nito sa kanyang 9:15.39 na naitala kamakailan nang kunin nito ang pilak sa New Taipei City Athletics Open sa Taiwan.
“Buti mas maganda ito kaysa sa last takbo ko sa Taiwan kasi hinahabol namin ni coach Vertek (Buenavista) yung qualifying time para sa Asian Games na 8:36.57,” ani Gobothia.
Ratsada rin si Roda na nagsumite naman ng 10:38.57 para angkinin ang korona sa women’s division ng naturang event.
Wagi rin si Rica Balderama sa women’s long jump nang marehistro ito ng personal best na 5.89 metro.
- Latest






















