PBA awards may kasamang malas — Cone’

MANILA, Philippines — May kasama nga bang kamalasan para sa koponang nananalo ng individual awards sa PBA Finals?
Ito ang nangyari sa Game Four ng Season 50 PBA Commissioner’s Cup Finals kung saan nirapido ng nagdedepensang TNT Tropang 5G ang Barangay Ginebra, 106-98, para itabla sa 2-2 ang kanilang serye noong Miyerkules.
At ginawa ito ng Tropang Giga sa gabing pinarangalan sina Justin Brownlee at point guard RJ Abarrientos ng Gin Kings bilang Best Import at Best Player of the Conference, ayon sa pagkakasunod.
“They win the awards, the team that wins the awards usually loses the game,” sabi ni Ginebra coach Tim Cone sa TNT. “I mean that’s been historic from years, years past and we always laugh about it when I was with Alaska because Alaska would never win the awards but we’d always end up winning the game and winning the championship.”
Ayon pa sa 25-time PBA champion mentor, mas may gustong patunayan ang tropang hindi nanalo ng individual awards.
“When the other team comes up empty, that usually motivates them and they got motivated,” sabi ng 68-anyos na si Cone sa TNT.
Mas pinahalagahan naman ni Abarrientos ang pagbibigay sa Ginebra ng kanilang ika-16 PBA crown kesa sa kanyang BPC award.
Ang BPC ang ikalawang PBA award ng pamangkin ni PBA legend Johnny Abarrientos matapos makamit ang Rookie of the Year trophy noong 2025.
Ito naman ang ikaapat na PBA Best Import award ng 38-anyos na si Brownlee matapos noong 2018 Commissioner’s Cup, 2021 Governor’s Cup at 2023 Commissioner’s Cup.
- Latest



















