Gatchalian bloc malapit nang maging 13 - Bam

MANILA, Philippines — Malapit na umanong umabot sa 13 miyembro ang majority bloc ni acting Senate President Sherwin Gatchalian upang maging legal na siyang presidente ng Senado, ayon kay Sen. Bam Aquino nitong Martes.
Simula pa noong nakaraang linggo ay mistulang nag-aagawan na sa puwesto bilang lider ng Senado si Gatchalian at Sen. Alan Peter Cayetano. Ang nasabing ‘tunggalian’ sa pagitan ng dalawa ay nagdudulot ng kalituhan sa mga empleyado. Kabilang si Aquino sa grupo ni Gatchalian na bumoto rin upang maging Senate President Pro Tempore ito.
Bagaman at nagkaroon ng sesyon noong Hunyo 3 matapos sumipot sa plenaryo si Sen. Chiz Escudero, hindi naman nakapaghalal ng bagong Senate President dahil 12 lamang ang bilang ng grupo ni Cayetano.
Matatandaan na naideklarang “vacant” ang lahat ng posisyon sa Senado at napalitan ang posisyon ng Senate President Pro Tempore, pero kailangan pa rin ang boto ng 13 senador para sa bagong Senate President.
Ayon kay Aquino “malapit” na nilang makuha ang isa pang senador na kukumpleto sa 13. Maaari aniyang sumali ang ika-13 senador sa kanilang grupo sa posibleng espesyal na sesyon ng Senado sa Hunyo.
Aniya, magbibigay ito ng pagkakataon sa kapulungan na muling maging “back to business” matapos na hindi matalakay ang ilang mahahalagang panukalang batas dahil sa dalawang araw na “boykot” ng Cayetano bloc.
- Latest



















