Gin Kings, Tropang 5G basagan sa Game 3
MANILA, Philippines — Babasagin ng reigning champion Talk ‘N Text at karibal na Barangay Ginebra ang kanilang tabla upang makaumang nang bahagya sa kampeonato sa krusyal na Game 3 ng PBA Season 50 Commissioner’s Cup finals ngayon sa Mall of Asia Arena.
Magbubuhol ang 2 koponan sa alas-7:30 ng gabi tampok ang 2-1 manibela sa magwawagi matapos nilang paghatian ang unang 2 bakbakan ng best-of-seven titular showdown.
Nakauna ang Ginebra karga ng game-winner ni Justin Brownlee sa Game 1, 102-100, habang nakabawi ang TNT sa Game 2, 101-94.
“It’s really about not relaxing when you’re up against Ginebra. They’re NSD for a reason,” babala ni TNT mentor Chot Reyes sa anumang kumpyansang nais na ipakita ng kanyang mga manok sa inaasahang higanti ng Ginebra sa Game 3.
Nagliyab sa 31 puntos at 10 rebounds si Calvin Oftana para sa Tropang 5G sa Game 3 kaya siya uli ang inaasahang gumiya sa kanilang opensa katambal ang beteranong import na si Chris McCullough na humakot ng 19 puntos at 16 rebounds na double-double.
Aalalay sa kanila sina Jordan Heading, Roger Pogoy, Rey Nambatac, Jayson Castro at Brandon Ganuelas-Rosser kontra sa siguradong gigil na Gin Kings.
Pinuna ni Ginebra head coach Tim Cone ang officiating sa Game 2 kung saan nabigyan lang ng 10 free throws ang kanyang koponan kabilang na ang 4 lang sa resident import na si Justin Brownlee kontra sa 25 ng TNT subalit aminadong maalat talaga ang naging simula nila.
“But that came down to the fact that we just didn’t show up tonight,” ani Cone na sumandal sa bench players sa fourth quarter at muntikan pang makahabol mula sa higanteng kumunoy.
- Latest





















