PNVF sinuspinde ng POC

MANILA, Philippines — Matapos ang International Volleyball Federation (FIVB), ang Philippine Olympic Committee (POC) naman ang nagpataw ng suspensyon sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF).
Inaprubahan ito sa idinaos na POC Executive Board meeting.
“The suspension comes automatically from the international federation’s suspension of its national federation,” sabi kahapon ni president Abraham ‘Bambol’ Tolentino.
Sinuspinde ng FIVB ang PNVF noong Mayo 29 base sa Article 13.1.1 ng kanilang Disciplinary Regulations dahil sa paglabag sa ilang patakaran at iniimbestigahan ngayon ng independent FIVB Ethics Panel.
Ipinatigil na rin ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pagbibigay ng pondo sa PNVF bago pa ang nasabing parusa ng FIVB.
Sa kabila ng suspensyon ay nagdaos pa rin ng eleksyon ang PNVF kung saan tinanggal ang pangulo nitong si Tonyboy Liao at ipinalit si sportsman-businessman Frank Lao kasama ang bagong executive board members kamakailan.
“Their latest election, for the POC, is invalid—no notice to the POC and no observer from the POC,” paglilinaw ni Tolentino.
Sa pagkakasuspinde ng PNVF ay ang POC ang tatayong ‘caretaker’ ng Alas Pilipinas indoor at beach volleyball teams para sa darating na Asian Games sa Japan sa Setyembre.
Swak na ang Alas Pilipinas men’s at women’s indoor volleyball sa Asian Games pati na ang men’s at women’s beach volleyball squads.
Sina reigning SEA Games women’s gold medalists Sisi Rondina at Bernadeth Pons ang tiyak nang ilalaban sa beach volleyball, habang wala pang final lineup ang women’s indoor team.
Pinamunuan nina veterans Alyssa Valdez at Ces Molina ang Alas Women na tumapos sa eighth place sa nakaraang AVC Women’s Cup sa Candon, Ilocos Sur.
- Latest




















