EDITORYAL - Dapat maisalba ang imahe ng Senado
NADUNGISAN ang Senado. Hindi ito maipagkakaila. Nawalan ng integridad. Ngayong nagpalit na ng liderato, maraming umaasa na maisasalba ang imahe nito. Sa pamamagitan ni Sen. Sherwin Gatchalian na ngayon ay acting Senate President at Senate President Pro Tempore, maaring magkaroon na ng direksiyon ang mataas na kapulungan. Itinalaga si Gatchalian sa posisyon noong Hunyo 3 matapos isagawa ng Senado ang reorganisasyon at idineklarang bakante ang mga pangunahing posisyon.
Pero bago ang pagpapalit ng liderato, ilang linggong naging magulo ang Senado. Nasaksihan ng taumbayan ang pinakamababang antas ng pamumuno nang mag-boycott ang 11 mambabatas ng mayorya. Sa pangunguna ni dating Senate President Cayetano, pinatayan pa ng kuryente, aircon, at internet ang bulwagan para perwisyuhin ang minoryang pumasok para magtrabaho.
Ang dahilan ng kanilang pagpa-panic? Nabuwag ang kanilang numero. Noong nakulong si Jinggoy Estrada sa kasong plunder at naging pugante si Bato dela Rosa, naging patas ang laban sa 11-11. Ang mas nakahihiya, imbes na mamuno sa session hall, naging “Vlogger” si Cayetano na nagtatago sa Facebook Live upang magbitiw ng mga palusot tungkol sa “independence.”
Habang walang sesyon, sunog ang P25 milyong buwis ng taumbayan. Hindi umusad ang aaprubahang batas. Mas nakaririmarim ang pagdadrama at pag-iyak ng mga senador habang inaaresto si Estrada. Tama ang buwelta ng media: iyakan ninyo ang mga Pilipinong binabaha dahil sa ninakaw na pondo sa flood control, huwag ang inyong kakampi.
Gaya ng pagsusuri ng mga eksperto, ang Senado ay opisyal nang naging “damaged goods.” Nawalan na ito ng moral na kredibilidad. Nanawagan ang Solid Bloc 11 na magbitiw na si Cayetano. Ang panawagan ay hindi lang usaping pulitikal; ito ay panawagan ng katinuan. Hanggang ngayon, hindi pumapasok ang mga senador na kabilang sa mayorya. Kung hindi kayang pumasok ng mga mambabatas na ito, marapat lamang na sibakin sila ng taumbayan.
Paalala sa nagtatagong mayorya: hindi kayo mga pasang-awang estudyante sa Row 4 na hahayaan na lang ng taumbayan at basta na lang bibigyan ng passing grade kahit hindi pumapasok.
Mabuti at nagkaroon ng reorganisasyon at naisalba ang Senado. At least, may pag-asang nakikita sa hinaharap. Hindi na marahil magkakaroon ng kung anu-anong “drama” sa pagkakataong ito sa pamumuno ni Gatchalian. Maibangon sana niya at maibalik ang integridad ng Senado.
- Latest















