Napupunit na hibla ng konsensya
HINDI lamang ang kalikasan ang patuloy at mabilis na nasisira dahil sa ating kapabayaan. Patuloy rin at mabilis na napupunit, kundi man punit na, ang hibla ng ating konsensya o tatag ng ating moralidad na kung tawagin ay moral fiber dahil sa ating pagwawalang-bahala.
Maraming likas-yaman ang nawala na sa atin, pero kapag ang tuluyang nawala o napunit ay ang ating moral fiber, mawawala ang lahat sa atin, at mauuwi tayo sa isang bansang walang kaluluwa. Ang moral fiber ay ang tibay ng kalooban, tapang at lakas ng paninindigan na gumawa ng mahihirap na desisyon sa harap ng matinding puwersa o panggigipit. Ang moral fiber ang pundasyon ng karakter na gumagabay sa isang tao na magdesisyon nang tama at pahalagahan ang personal na dangal, sang-ayon sa mga tamang prinsipyo at pinahahalagahan.
Ang isang taong may matibay na hibla ng moralidad at konsensya ay nagpapakita ng mga sumusunod: 1). Integridad--anumang kabutihang sinasabi ay totoong isinasagawa; 2). Paninindigan--kakayahang tanggihan ang panunuhol o pananakot kahit mas madali at komportableng manahimik na lamang o sumabay sa agos; 3). Katapangan--kahandaang tindigan ang mga tama at wastong prinsipyo, mangahulugan man ng personal na sakripisyo; 4). Mapagkakatiwalaan--malinaw kung ano ang tinitindigan at isinusulong; hindi pabagu-bago ng isip, pinaniniwalaan at kinakampihan.
Bakit mabilis na napupunit ang hibla ng ating moralidad at konsensya? Kasi, ang sumisira ay ang matataas na lider ng ating bansa na dapat sana ay modelo ng moralidad at integridad. Ngayon lamang nangyari sa ating kasaysayan na ang Presidente, Bise Presidente, Senador, Kongresista, at matataas na hepe ng mga ahensiya ng gobyerno ay isinasangkot sa katiwalian at iba’t ibang krimen. Kung paanong sa isip ng isang bata ay nagiging tama ang maling ginagawa ng isang matanda, sa isip ng karaniwang mamamayan ay nagiging tama at katanggap-tanggap ang ginagawa ng isang lider.
Hindi na tayo nagugulat kung bilyun-bilyon man ang ninanakaw ng ating mga lider. Hindi na natin pinapansin kung ang mga tagagawa ng batas ay naging mga tagalabag ng batas. Hindi na tayo nababahala kung ang ating mga lider ay nagbabantaang magpatayan sa isa’t isa. Hindi na tayo nag-aalala kung ang katapatan ng ating mga lider ay iniaalay sa mga pinagkakautangan ng loob, sa halip na sa Konstitusyon at sa Republika. Nabago na ang pamantayan natin ng katotohanan at katarungan. Kung ano ang sinasabi ng mas nakararami, kahit malinaw na kasinungalingan ay tinatanggap nating totoo. Mas pinahahalagahan natin ang legalidad kaysa moralidad, ang teknikalidad kaysa katotohanan. Nakalimutan na natin ang magagandang katangian at kaugalian ng ating mga ninuno na tulad ng bayanihan, damayan, palabra de honor, delicadeza, amor propio, at kahihiyan.
Sino ang makakapigil sa tuluyang pagkapunit ng hibla ng ating moralidad at konsensya? Tayo mismo, ang tinatawag na civil society--organisasyong sibiko, NGO, simbahan, grupong may isinusulong na adbokasiya--sa pamamagitan ng kolektibong paninindigan at pagkilos para sa katotohanan at hustisya.
Nawa’y maging panuntunan natin ang sinasabi sa Hebreo 13:18, «Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at hinhangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon.» Huwag na nating hintayin ang ating mga lider, tayo na ang magsumikap para hindi tuluyang mapunit ang hibla ng ating moralidad at konsensya!
- Latest
















