Magmamanok, magbubutil malulugi sa zero taripa
Pinapanukala kay President Bongbong Marcos ang pag-alis ng import tariffs sa mais, chicken, at pork. Kesyo raw kailangan ito para magmura ang pagkain, lalo na sa gitna ng krisis sa Middle East.
Huwag sana pansinin ni BBM ang mga bumubulong. Mapepeligro kasi ang mga magsasaka at maghahayop.
Nagpaliwanag si Atty. Bong Inciong, chairman ng United Broiler Raisers Association. Nu’ng February ang presyo ng inangkat na buong manok ay $1.12 per kilo. Sa palitang P60:$1 at 40% taripa sa imported na manok, ito’y P94.08 kada kilo.
Pero ang farmgate price noon ng lokal na manok ay P103 kada kilo. Mas mura ang imported maski may 40% taripa.
Kung gawing zero ang taripa, babagsak sa P67.20 per kilo ang imported na manok. Walang laban ang lokal na P103.
Sa P103 farmgate price, ang tubo ng magmamanok ay P8 per kilo. Babawasan pa ‘yon ng buwis. Malulugi ang lokal. Maraming mawawalang trabaho. Mapepeligro ang seguridad sa pagkain.
Sa kaso ng mais, nagpaliwanag din sina Leonardo Montemayor at Argel Cabatbat ng Federation of Free Farmers at Magsasaka Party. Peligroso rin daw ang zero tariff sa imported na mais.
Kung mag-zero tariff sa mais, ang presyo ng imported ay magiging P1.70 per kilo. Malulumpo ang 2 milyong lokal na magmamais na nagsasaka ng 2.3 milyong ektarya. Malulugi sila nang P12 bilyon.
Nauna nang masaktan ang mga magpapalay. Noon ay 50% ang taripa sa bigas mula India, at 35% mula Thailand, Vietnam, Cambodia, Myanmar. Pero ibinaba ni BBM ang taripa sa 15%.
Hindi naman naging mura ang imported na bigas. Nasa P45-P65 pa rin kada kilo. Samantala, bumagsak ang presyuhan ng palay. Naging P11-P14 lang kada kilo. Dapat sana ay P17-P18 para kumita ang magpapalay. Tumiba ang importers. Lugi ang 2.9 milyong magpapalay.
- Latest















