Lamina No.1 pick ng Galeries

MANILA, Philippines — Hinirang si collegiate star setter Camilla Lamina bilang No 1 overall pick ng Galeries Tower sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) Rookie Draft kahapon sa Novotel Manila Araneta City.
Ang 24-anyos na si Lamina ay bahagi ng National University Lady Bulldogs na nagreyna sa UAAP Season 84, 86 at 87.
Si Lamina ay isang two-time UAAP Best Setter awardee.
Ang 5-foot-7 na tubong San Juan City ang naging opsyon ng Highrisers matapos umatras sa PVL Draft si 6’1 Alyssa Solomon na naging teammate niya sa Lady Bulldogs.
Kinuha naman ng Capital1 Solar Energy si two-time UAAP Best Libero Bernadett ‘Detdet’ Pepito ng University of Santo Tomas Golden Tigresses bilang No. 2 pick.
Makakasama ni Pepito sa Solar Spikers ang kanyang bestfriend na si dating NU star spiker Bella Bellen, ang 2025 PVL top overall selection, bukod kina Vanie Gandler at Erika Santos.
Pinili ng Choco Mucho bilang third overall selection si setter Tin Ubaldo ng FEU Lady Bulldogs.
Si Ubaldo, miyembro ng Alas Pilipinas pool, ang makakatulong kina Eya Laure at Sisi Rondina sa opensa ng Flying Titans.
Samantala, tinapik ng ZUS Coffee si Mapua middle blocker Alyanna Ong bilang No. 4 pick kasunod ng pag-pass ng Akari sa kanilang No. 5 pick.
Hinugot ng Nxled si Irah Jaboneta ng University of the Philippine Fighting Maroons bilang No. 5 selection, habang kinuha ng Farm Fresh si Jonna Perdido ng UST Golden Tigresses bilang No. 6 pick.
- Latest
























