Candon kasado na sa hosting ng AVC Women’s Cup

MANILA, Philippines — Handa na ang mga tigasing spikers na magpaluan ng bola sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Volleyball Cup na magsisimula sa darating na Sabado sa Candon City Arena sa Ilocos Sur.
Maliban sa 12 teams na kasali, handa na rin ang lungsod ng Candon City sa paghost nila sa nasabing prestihiyosong event na magtatapos sa Hunyo 14.
Muling nagsagawa ng major sports hosting ang Candon City na pinamumunuan ni Mayor Eric D. Singson, nakaraang taon lamang ay matagumpay na naidaos dito ang Men’s Southeast Asian V.League.
Tinawag ni Singson na “milestone event” ang kanyang nasasakupan at nangako itong ipagpapatuloy ang pakikipagtulungan kay Philippine Sports Commission (PCS) chairman Patrick “Pato” Gregorio at Asian Volleyball Confederation (AVC) president Ramon “Tats” Suzara para mas lalong maging matagumpay ang kanilang mga proyekto sa sports at sports tourism.
“We are grateful to the PSC and the AVC for giving Candon City the opportunity to host an event of this scale,” ani Singson. “Beyond the competition, we want to showcase our city’s readiness and, more importantly, the hospitality of our people.”
Ipinagmamalaki ng Candon City ang 8,000-seat Candon City Arena bilang suporta sa teams at tournament operations, nagpagawa rin ng strength at conditioning gym sa third floor.
May dalawang training venues din para sa team preparations sa nine-day tournament na suportado ng PSC, FIVB at Volleyball World.
Ang mga foreign teams na kasali ay ang South Korea, Indonesia, Chinese Taipei, Hong Kong, Uzbekistan, Australia, Vietnam at Lebanon.
- Latest
























