Biado kampeon sa Indonesia Open 10-Ball

MANILA, Philippines — Lumabas ang tikas ni three-time World Champion Carlo Biado sa dikdikang labanan matapos sikwatin ang mahirap na 10-9 panalo kontra sa kababayang si Paolo Gallito sa final match ng Predator PBC International Indonesia Open 10-Ball na nilaro sa Jakarta, Indonesia, Sabado ng gabi.
May tsansa sanang itakas ni Gallito ang titulo dahil lamang siya ng isa, 9-8 sa kanilang race to 10 match, siya ang tumutumbok sa 18th rack kung saan ay dalawang bola na lang ang natitira, (8 at 10 ball).
Sumobra ang karkulasyon ni Gallito, naipasok niya ang eight ball pero na scratch naman ito kaya nakapuwersa ng hill-hill match ang 42-anyos na si Biado.
Sa 19th at final rack naging mahigpitan ang depensa nina Biado at Gallito, muli na namang na scratch ang huli at dito na nakakuha ng pagkakataon ang una para makopo ang titulo.
“Suwerte lang, hindi ko akalaing ma scratch pa yung bola,” pahayag ni Biado. “Para sa akin siguro itong laro,”
Hinamig ni Biado ang premyong $25,000, o P1.5 million habang ibinulsa ni Gallito ang second place prize na $12,000 (P738,000).
Bumilib si Biado sa ipinakitang husay sa tumbukan ni Gallito kaya naniniwala itong darating ang panahon na magkakampeon ang kanyang nakatunggali.
Dalawang beses nagkampeon si Biado sa World Nine-ball Championship ito’y noong 2017 at 2025 at isang beses sa World Ten-ball Championship (2024).
- Latest



















