Programang ‘JBM Cares’ ni Gen. Mendez, nararamdaman!
Sa biglang tingin, estrikto at mahirap lapitan itong si PRO3 director Brig. Gen. Jess Mendez subalit sa decision-making sa trabaho sya’y may puso’t damdamin. ‘Ika nga, may malasakit sa kapulisan. Ito ang diwa na isinusulong ni Mendez sa kanyang programang “JBM Cares.” Sa tahimik ngunit makabuluhang paraan, 10 pulis na may iniindang karamdaman o may espesyal na kalagayang pangkalusugan ang natulungan sa pamamagitan ng kanilang paglipat sa mga himpilang mas malapit sa kanilang pamilya at lugar na tinitirhan. Para sa iba, nangangahulugan ito ng mas madaling access sa gamutan o di kaya’y pagkakataong makasama ang kanilang mga mahal sa buhay habang patuloy na ginagampanan ang kanilang tungkulin. Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Kung tutuusin, maaaring ordinaryong administrative action lamang ito. Ngunit para sa mga pulis na araw-araw na humaharap sa panganib habang may iniindang karamdaman, ang ganitong hakbang ay may malaking epekto sa kanilang kalusugan, moral, at kabuuang kapakanan. Mula nang maupo bilang Regional Director ng PRO3, paulit-ulit na binibigyang-diin ni Mendez na ang pinakamahalagang puhunan ng organisasyon ay ang mga taong bumubuo rito. Hindi maaaring maging epektibo ang isang organisasyon kung ang mga taong inaasahang maglingkod sa publiko ay hindi rin napangangalagaan. Mismooooo! Anong sey n’yo mga kosa?
Sa maraming pagkakataon, ang tunay na pamumuno ay hindi lamang nakikita sa kakayahang magbigay ng direktiba. Nakikita rin ito sa kakayahang makinig sa hinaing ng mga tauhan at gumawa ng mga hakbang upang matugunan ang kanilang pangangailangan. Ang programang “JBM Cares” ay malinaw na halimbawa ng ganitong uri ng liderato. Hindi lang ‘yan! Ipinapakita ng programa ang kongkretong pagsasabuhay ng adbokasiya ni PNP chief Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. na “Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.” Sapagkat ang serbisyong ito ay hindi lamang para sa publiko. Ito ay dapat ding maramdaman ng mga kalalakihan at kababaihan ng PNP na siyang nasa unahan ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Dipugaaaaa! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Sampung pulis pa lamang ang natutulungan sa ngayon ng “JBM Cares.” Ngunit para sa sampung pamilyang nabigyan ng pagkakataong makasama ang kanilang mahal sa buhay habang pinagdaraanan ang hamon ng karamdaman, sapat na itong patunay na ang malasakit ay hindi lamang sinasabi. Ito ay ipinapakita. At higit sa lahat, ito ay nararamdaman. Sanamagan! Abangan!
- Latest















