Sanggol inuntog, isinilid sa ecobag ng yaya
Pagpatay itinago
MANILA, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit ng isang 11 buwang gulang na sanggol nang matagpuan patay at naaagnas na sa loob ng isang ecobag nitong Linggo ng hapon sa Quezon City.
Inaresto naman ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang suspek na si alyas “Michelle”, 26, tubong Leyte at residente ng Brgy. Pasong Putik, ng nabanggit na lungsod na tiyahin at tumatayong yaya ng sanggol na biktimang si alyas “JKA”.
Batay sa imbestigasyon ni PMSg George A Caculba ng QCPD-CIDU, nadiskubre ang bangkay ng sanggol bandang alas-4:15 ng hapon nitong Linggo, Mayo 31 sa loob mismo ng bahay ng suspek.
Bago ito, ini-report ng suspek na dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang dumukot sa sanggol at nagbitaw ng salita na “Kuhaon nako ang akong Anak, dili man ipakita sa iyang mama”. (Kukunin ko ang anak ko, hindi ko siya ipapakita sa nanay niya).
Bunsod nito, nagsagawa ng beripikasyon at follow-up operations ang mga tauhan ng PS16 sa pangunguna ni PLtCol Timothy Aniway Jr., Station Commander ng PS-16, QCPD.
Habang nagsasagawa ng backtracking at forward-tracking ng CCTV footages sa lugar, isang masangsang na amoy ang nalanghap ni PSSg Joseph Ignacio G. Arquero kaya ginalugad ang nasabing bahay.
Nakita ng mga pulis sa ikalawang palapag ng bahay ang isang ecobag kung saan nakasilid ang naaagnas nang bangkay ng sanggol.
Dito na napilitang umamin ang suspek na inuntog niya ng paulit-ulit ang ulo ng sanggol sa sahig hanggang sa mangisay ito saka isinilid sa ecobag.
Nagpag-alaman na isang OFW ang ina ng sanggol at pamangkin ito ng kalive-in ng suspek.
Nasa kustodiya na ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit ang suspek na nahaharap sa kasong Murder.
Isinailalim naman sa autopsy ang labi ng sanggol.
- Latest


















