PRO6 Director P/BGen. Randulf Tuaño
KUNG si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang umano’y sugo ng Dios ayon kay Capiz Governor Fredenil ‘Oto’ Castro matapos na basbasan nito ang nakatenggang mga proyekto para sa lalawigan ng Capiz, aba’y tila sugo naman ni PBBM itong si P/BGen. Randulf Tuaño upang pamunuan ang buong puwersa ng Western Visayas o Police Regional Office-6 (PRO6). Kasi sa mga unang araw pa lang ni Tuaño sa puwesto wala itong sinayang na mga sandali upang ipamalas ang kanyang abilidad para mapaglingkuran na matamang serbisyo sa seguridad ang mga Ilonggo. Hehehe! Kasi nga tanging si Tuaño lamang ang kauna-unahang PRO6 Director na nagbukas sa mga local na mamahayag sa naturang rehiyon upang maibahagi ang kanyang mga balaking programa tungo at mailapit ang mga kapulisan sa mga Ilonggo.
Kung sabagay bihasa itong si P/BGen. Tuaño sa pakikitungo o pakikipagharap sa mga media personalities dahil matagal itong naging PNP spokesman bago hirangin na maging PRO6 Director. Ang matindi nito, maraming pagbabago sa galaw o operasyon ng mga kapulisan dahil sa totoo lang halos isang katerba agad ang naging accomplishment ng mga tauhan ni Tuaño sa iba’t ibang lugar kasama na riyan syempre itong Iloilo City na kung saan nakatirik ang kampo ng pulis sa Camp Gen. Martin Teofilo B. Delgado, Fort San Pedro, Iloilo City.
Sa ngayon kasi patuloy ang pag-usbong ng ekonomiya ng lungsod ng Iloilo kaya’t maraming mga investor at mga businessmen ang namamalagi o naninirahan kaya’t kailangan ang matamang seguridad upang masiguro ang kaligtasan nitong mga negosyante at maging ang kanilang negosyo sa pananamantala ng mga criminal.
Sa unang sigwada pa lang ng pag-upo ni P/BGen. Tuano aba’y nakalawit itong mga High Value Persons na responsable sa pagpapakalat ng droga. Milyon-milyon na ang nakumpiskang droga at sisiguruhin ni Tuano na hindi na makalalabas ang mga ito sa mga rehas na bakal ng kapulisan at oras na mahatulan ang mga ito ay siguradong Bureau of Correction na sila habang buhay.
Kung sabagay hindi lang naman mga drug personalities ang pinagtutuunan ng pansin ni Tuano dahil kasama na riyan itong mga Wanted Persons na matagal ng hinahanap ng batas. Kaya’t hindi pa man umiinit ang puwet ni Tuano sa puwesto, isang katerba na agad ang kanyang naipamalas sa mga Ilonggo at ang matindi rito mga suki, halos lahat ng mga Chief of Police ng mga Municipal Police Station ay ni-relieve ni Tuano matapos na bumagsak ang mga ito sa surprised examination. Hehehe!
Subalit magandang oportunidad ito sa mga opisyal ng kapulisan dahil madadagdagan ang kanilang kaalaman. Hindi naman naging balakid itong pagka-relieve ng mga opisyal ng mga MPS dahil hinalilihan sila ng kanilang mga Deputy Commander hanggang sa makatapos at maipasa ang pagsusulit. Hehehe!
Sa ngayon tinitingala itong si PRO6 director P/BGen. Randulf Tuano ng mga kababayan kong mga Ilonggo dahil sa kasipagan at katapatan nito sa serbisyo. Ang matindi pa rito naging transparent na ang lahat ng mga operasyon ng mga kapulisan dahil sa pakikipag-ugnayan nito sa mga Local Media Personalities. Palakpak naman dyan!
- Latest



















