426 kaso ng rabies noong 2024 lahat namatay - DOH
MANILA, Philippines — Siyento por siyentong namatay ang 426 na kaso ng rabies sa buong taon ng 2024, ayon sa Department of Health (DOH).
“Lahat sa kasong ito ay namatay. Patunay na ang rabies ay 100% fatal. 45% o halos kalahati sa mga kasong ito’y dahil sa kagat ng alagang hayop,” pahayag ng DOH sa kanilang Facebook post.
Mula sa 235 kasong naitala noong 2020 halos nadoble ito sa bilang na 426 pagsapit ng 2024.
Ang rabies ay isang nakamamatay na viral infection na nakakaapekto sa utak, na nagmula sa kagat, kalmot at laway ng infected na hayop.
Ang mga sintomas ng rabies sa tao ay lagnat, pananakit ng ulo, pamamaga, pamamanhid ng sugat, takot sa tubig atp hangin, pagkabalisa, pagbabago sa pag-iisip o mood changes at pagkaparalisa habang senyales naman ng rabies sa hayop ang pagbabago sa ugali, pagiging agresibo, labis na paglalaway, pagkaparalisa at pagkatakot sa tubig.
Kaya naman paalala ng DOH, pabakunahan ang alagang hayop taun-taon.
Huwag hawakan o lapitan ang hindi kilalang hayop, at kung makagat o makalmot, agad na magtungo sa mga Animal Bite Treatment Centers sa inyong lugar.
- Latest