Lalaki nasabugan ng kwitis, todas!
MANILA, Philippines — Patay ang isang 54-anyos na lalaki matapos masabugan ng kwitis.
Dahil dito, pumalo na sa apat ang bilang ng mga indibidwal na nasawi sa pagsalubong sa Taong 2025.
Mula sa tatlo na dalawa ay nasawi dahil sa fireworks-related injuries (FWRIs) at isang tinamaan ng ligaw na bala habang nagsasaya sa labas ng kanilang bahay, ay isa pang FWRI death ang naitala.
Ang ikaapat na biktima ay mula sa Region 4A na nagtamo ng matinding pinsala sa kanyang kaliwang kamay dahil sa pagsabog ng kwitis, na malaunan ay nagresulta sa kanyang pagkasawi.
Ayon sa Department of Health (DOH), sa kabuuan ay umaabot na sa 832 ang FWRIs, simula Disyembre 22, 2024 hanggang 6:00 am ng Enero 5, 2025.
Mas mataas ito ng 37% sa 606 total cases na naitala sa kahalintulad na petsa sa pagsalubong sa Taong 2024.
Kwitis pa rin ang nangungunang sanhi ng mga pinsala dulot ng paputok kasunod ang 5-star at boga.
Kabilang sa natamong pinsala ng mga biktima ay pagkasunog ng balat at amputation o pagputol ng bahagi ng katawan.
- Latest