Testigo sa Taguig ghost flood project lumutang’

MANILA, Philippines — May mga bagong testigong dumulog sa Office of the Ombudsman upang maglahad ng detalye hinggil sa umano’y paghatid ng kahon-kahong pera kaugnay ng mga maanomalyang flood control infrastructure project sa Taguig City.
Ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Linggo, kabilang sa mga ibinahaging impormasyon ng mga testigo ang hindi bababa sa isang delivery na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso.
“May mga testigo na nag-share ng details paano dinadala ang kahon-kahong pera, parang isang delivery, milyun-milyong piso,” aniya sa DZBB.
Sinabi ng senador na bahagi ito ng mga ebidensyang sinusuri sa fact-finding investigation ng Ombudsman. Nauna nang isinumite nina Lacson at ng kanyang team ang hindi bababa sa 45 case studies na naglalahad ng “systemic anomalies” sa flood control projects, dahilan upang maglunsad ng imbestigasyon ang Ombudsman.
Ani Lacson, batay sa takbo ng imbestigasyon, posibleng magsampa ng kaso ang Ombudsman bago matapos ang taon. “Ngayon Ombudsman na ang gumagalaw, so let’s see what happens. Hindi ako magugulat kung may pagsasampa ng kaso bago matapos ang taon,” dagdag niya.
Samantala, lumabas sa bagong findings mula sa Philippine Reclamation Authority (PRA) na umabot na sa 170 ektarya ang unauthorized encroachment sa Laguna Lake sa panig ng Taguig City—doble sa naunang pagtatayang 85 ektarya.
Ayon kay Lacson, ang 170 ektarya ay halos sangkatlo ng tinatayang 560 ektaryang reclaimed area na sumasaklaw sa mga bahagi ng Laguna Lake sa Rizal at Laguna.
Aniya, magiging “blessing” kung makukumpiska ng pambansang pamahalaan ang naturang lupain dahil itinuturing itong prime property, at higit na makabubuti kung makatutulong ito upang maibsan ang epekto ng ilegal na reclamation sa ekolohiya.
- Latest




















