PANOORIN: 3 patay, 15 sugatan sa pamamaril bago BARMM elections
MANILA, Philippines — Tatlo ang kumpirmadong patay habang hindi bababa sa 15 ang sugatan matapos ang pamamaril sa pagitan ng magkaribal na political supporters sa labas ng Datu Usman Mampen Elementary School sa Barangay Bagua 2, Cotabato City.
Naganap ang insidente bago maghatinggabi nitong Linggo, Setyembre 13, ilang oras bago ang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections ngayong Lunes, Setyembre 14.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Cotabato City Police Office at Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nagsimula ang kaguluhan nang magkasagutan ang dalawang kampo habang nag-aagawan umano sa puwesto sa pila para sa pagbubukas ng botohan sa naturang paaralan.
Nauwi sa suntukan ang siksikan at pagtatalo hanggang sa magpalitan na ng putok ng baril ang magkabilang grupo.
Tatlo ang nasawi sa insidente habang hindi bababa sa 15 iba pa ang nasugatan.
Narekober naman ng Scene of the Crime Operatives, or SOCO, sa lugar ang mga basyo ng bala mula sa .45 caliber at 9mm na baril.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
- Latest



















