NCRPO nagbabala sa mga pulis vs ‘moonlighting’
MANILA, Philippines — Nagbabala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga pulis sa Metro Manila laban sa hindi awtorisadong sideline o “moonlighting” na maaaring makaapekto sa kanilang tungkulin at integridad bilang mga alagad ng batas.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge PBGen. Christopher Abrahano, dapat manatiling nakatuon ang mga pulis sa kanilang serbisyo at iwasan ang mga trabahong maaaring makompromiso ang kanilang propesyonalismo at tiwala ng publiko sa kapulisan.
Inatasan ni Abrahano ang mga district director at station commander na paalalahanan ang kanilang mga tauhan tungkol sa mga patakaran ng Philippine National Police (PNP) sa pagtatrabaho sa labas ng serbisyo.
Alinsunod ang hakbang sa direktiba ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pamamagitan ni Interior Secretary Jonvic Remulla, na palakasin ang disiplina, propesyonalismo, at pananagutan sa hanay ng kapulisan.
Binigyang-diin ni Abrahano na may kaakibat na responsibilidad ang pagsusuot ng uniporme, at hindi ito dapat gamitin para sa pansariling kapakinabangan. Ang mga pulis na mapatutunayang lumabag sa mga patakaran ay maaaring maharap sa kaukulang administratibo o legal na aksiyon.
- Latest



















