Okey lang ang mag-Misyon
Isang daang taon na! Mula 1926 hanggang 2026, ipinagdiriwang natin ang World Mission Sunday. Ang tema ngayong taon ay napakaganda: “One in Christ, United in Mission.”
Bakit nga ba tayo nagmimisyon? Dahil inutusan tayo ni Hesus mismo: “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ang Mabuting Balita sa lahat ng nilalang.” (Marcos 16:15)
Dahil may nagmisyon sa Pilipinas, tayo’y naging Kristiyano! May mga paring Espanyol, mga Amerikanong misyonero, mga madre at laykong iniwan ang ginhawa para dalhin ang Good News hanggang sa liblib na baryo ng Pinas. Kung hindi sila nag-misyon, hindi tayo Kristiyano ngayon.
At alam n’yo ba? Masarap ang mag-misyon!
Sa Psychology, may tinatawag na “Helper’s High.” Kapag nagbibigay ka, sumasaya ang utak mo. Naglalabas ng dopamine at oxytocin. Gumagaan ang pakiramdam. Ang taong laging tumatanggap lang, malungkot. Pero ang taong nagbibigay, masaya. Kaya sa misyon, hindi lang ikaw ang nagbibigay, ikaw pa ang higit na pinagpapala!
Paano ba mag-misyon ngayon? Hindi mo na kailangang pumunta sa Africa. Noon, Missio ad Gentes - Misyon sa Labas. Ngayon, Missio Inter Gentes - Misyon sa Loob. Umpisahan natin sa 3 Ts.
Una, Time. Magbigay ng oras. Isang oras na pakikinig sa nalulungkot. Isang oras na pagdalaw sa maysakit.
Pangalawa, Talent. Ibahagi ang galing mo. Marunong kang kumanta? Kumanta sa Misa. Lahat ng talento ay galing sa Diyos, para sa Diyos.
Pangatlo, Treasure. Magbigay mula sa kinikita. Hindi kailangang malaki. Ang barya ng balo ay mas malaki pa sa milyon ng mayaman kung galing sa puso.
Tandaan: Buhay pa tayo, may misyon pa tayo!
Kaya naman napakaganda ng paalala ng ating Santo Papa Leo XIV sa kanyang mensahe para sa World Mission Sunday Centennial:
“Ang misyon ay hindi pabigat, kundi kagalakan. Kapag tayo ay iisa kay Kristo, ang ating maliliit na gawa ng pag-ibig ay nagiging isang malaking ilog ng pag-asa na umaagos hanggang sa dulo ng mundo.”
Sa Linggong ito, huwag mahiya. Magmisyon ka. Dahil sa huli, mas okey, mas masaya, mas makabuluhan ang buhay na nagmimisyon!
Magdasal po tayo: Panginoon, salamat dahil tinawag N’yo po ako sa misyon. Gamitin N’yo po ang aking oras, talento at yaman para maging Mabuting Balita sa aking kapwa. Amen.
Enjoy Life! Enjoy Mission! Pagpalain po kayo ng Poong Maykapal.
- Latest




















