Belen hataw ng 35 pts vs Akari

MANILA, Philippines — Nagkuwintas si Bella Belen ng triple-double para igiya ang Capital1 Solar Energy sa 28-26, 22-25, 25-15, 23-25, 21-19 pagtakas sa Akari sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Kumolekta si Belen ng bagong career-high 35 points bukod sa 20 excellent digs at 19 receptions sa pagbangon ng Solar Spikers sa naunang 25-22, 25-18, 17-25, 20-25, 8-15 pagtiklop sa Choco Mucho Flying Titans noong Sabado.
“For this game inisip lang namin is paano kami makakabawi from that loss,” ani Belen.
Nagdagdag sina Vanie Gandler, Erika Santos at Chery Nunag ng tig-10 markers, habang may 29 excellent sets si setter Juju Coronel at 24 digs si rookie libero Detdet Pepito.
Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ng Chargers matapos ang naunang 18-25, 21-25, 18-25 pagyukod sa Creamline Cool Smashers.
Pumalo si Fifi Sharma ng 20 points para pamunuan ang Akari at may 18 at 17 markers sina Ivy Lacsina at Eli Soyud, ayon sa pagkakasunod.
Nagpalitan ng panalo ang Capital1 at Akari hanggang mauwi ang bakbakan sa fifth set.
Ipinoste ng Solar Spikers ang 8-5 bentahe bago nakabangon ang Chargers sa likod nina Soyud, Sharma at Grethcel Soltones para sa match point, 14-13.
Matapos itabla ni Santos ang Solar Spikers sa 19-19, dalawang sunod na atake ang ginawa ni Belen para tuluyan nang agawin ang 21-19 panalo at selyuhan ang kanilang five-set win.
- Latest





















