Eala hindi mapapatawan ng penalty - PHILTA

MANILA, Philippines — Hindi mapapatawan ng penalty ng Women’s Tennis Association (WTA) si Alex Eala na hindi sumabak sa mandatory event na Beijing Open sa China.
Mismong si Philippine Tennis Association Executive Tonette Mendoza ang nagsabi nito base sa komunikasyon ng Philta sa WTA.
Ibinahagi ni Mendoza na may ilang tanong lamang ang WTA sa Philta.
Isa rito ang tanong ng WTA kung nagdesisyon si Eala base sa kanyang sariling desisyon at walang anumang pressure mula sa gobyerno o sinumang opisyal.
“So the WTA just asked us a few questions if she made the decision on her own, meaning it was not under pressure from anybody in the government or national federation, if it is an Olympic qualifier for our country, to which we said yes,” ani Mendoza.
Matapos tumugon sa mga tanong, hindi na muling sumagot pa ang WTA.
“She made a decision on her own, and it’s an Olympic qualifier. Then they just never got back to us,” ani Mendoza.
Iginiit ng Philta na mismong si Eala ang nagpahayag na nais nitong maging bahagi ng Team Philippines sa Asian Games.
Makailang ulit itong sinabi ni Eala sa kanyang mga interviews noong nasa Maynila ito.
Matatandaang hindi lumahok si Eala sa Beijing Open upang sumabak sa Asian Games sa Nagoya, Japan na isang Olympic qualifying event.
Ngunit bigo si Eala na makuha ang LA Olympics spot matapos magkasya sa tansong medalya sa women’s singles.
Tanging ang gold medalist lamang ang nabiyayaan ng tiket sa LA Olympics sa ngalan ni Wang Xiyu ng China na siyang tumalo kay Eala sa semis.
Nagpasa naman kamakailan ang WTA ng bagong patakaran para sa mga players na nagnanais katawanin ang kanilang bansa sa mga international competitions gaya ng Asian Games.
Wala pang opisyal na anunsiyo ang WTA subalit optimistiko si Mendoza na papabor ito sa panig ni Eala dahil nirepresent naman nito ang kanyang bansa.
Nakasaad sa WTA rules na ibinibigay lamang ang penalty sa mga players na lumiban sa mandatory events para maglaro sa exhibition games.
- Latest




















