^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Suporta sa Universal Health Care program

Pilipino Star Ngayon

Magandang balita na may P11.54 billion loan mula Japan para suportahan ang Universal Health Care program ng Pilipinas.

Sa bansang maraming maysakit ang hindi makapag-checkup dahil sa kawalan ng pera, malaking bagay ang pondong makatutulong para gawing mas abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan.

Pero kailangan ding malinaw: loan ito at hindi libreng pera. Utang ito na babayaran din ng taumbayan. Kaya mas mabigat ang obligas­yon ng gobyerno na tiyaking bawat pisong uutangin ay mapupunta sa serbisyong tunay na mararamdaman ng pasyente.

Hindi sapat ang signing ceremony, diplomatic notes, o magandang pahayag tungkol sa partnership. Ang sukatan ng Universal Health Care ay hindi nasa papel. Nasa pila sa ospital. Nasa libreng gamot. Nasa PhilHealth benefit na sapat ang coverage.

Maganda ang layunin ng pondo: sustainable­ financing, strategic purchasing, mas ma­ayos na delivery ng health services, information manage­ment, at performance accountability.

Pero ang mga salitang ito ay kailangang bu­maba sa simpleng tanong ng ordinaryong Pili­pino: kapag nagkasakit ako, matutulungan ba ako?

Matagal nang pangako ang Universal Health Care.

Noong 2019 pa naisabatas ang UHC, at awto­matikong kasali na dapat ang bawat Pilipino sa national health insurance system. Pero hang­gang ngayon, marami pa rin ang takot magpaospital dahil baka hindi kayanin ang bill. Marami pa rin ang bumibili ng gamot nang tingi. Marami pa rin ang umaasa sa medical assistance ng mga politiko.

Kung tunay na palalakasin ng loan na ito ang UHC, dapat unahin ang malinaw na access: sapat na primary care, maayos na referral system, mas mabilis na PhilHealth claims, trans­parent na spending, at regular na report kung saan napunta ang pera.

Dapat ding bantayan ang accountability­. Kapag utang ang ginamit, bawal ang palpak­, doble-dobleng proyekto, o pondong mawa­wala sa bureaucracy. Hindi puwedeng health reform sa press release pero hirap pa rin ang pasyente sa ospital.

Ang loan para sa kalusugan ay dapat masukat hindi sa pirmahan, kundi sa mas ma­ik­ling pila, mas murang gamutan, at mas ma­bilis na serbisyo.

Kung taumbayan ang magbabayad, taum­bayan ang dapat makinabang at wala nang iba pa. Dapat nilang malasap ang bunga ng pinag­hirapan at madugtungan ang buhay.

HEALTH CARE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with