NLEX ‘di bibitaw sa liderato
MANILA, Philippines — Ang patuloy na pagdomina sa Group A ang hangad ng NLEX sa pagsagupa sa nagdedepensang TNT Tropang 5G, habang ang ikatlong sunod na panalo ang target ng guest team Macau kontra sa Titan Ultra sa PBA Season 50 Governors’ Cup.
Lalabanan ng Road Warriors ang Tropang 5G ngayong alas-7:30 ng gabi matapos harapin ng Giant Pandas ang Giant Risers sa alas-5:15 ng hapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Bumabandera ang NLEX sa Group A bitbit ang 5-0 record kasunod ang San Miguel (4-2), TNT (3-2), Converge (3-3), guest team Macau (2-4), Terrafirma (2-4) at Titan Ultra (1-5).
Nangunguna sa Group B ang Phoenix tangan ang 4-1 kartada sa itaas ng Rain or Shine (4-2), Barangay Ginebra (2-3), Magnolia (2-3), Blackwater (2-3) at Meralco (2-4).
Huling biniktima ng Road Warriors ang FiberXers, 119-107, kung saan umiskor si balik-import DeQuan Jones ng 28 points at may 24 markers si Schonny Winston.
“We’ll stay humble, knowing it’s still a long season to go and there’s a lot of hard work to do,” sabi ni Winston.
Tumakas naman ang Tropang 5G sa Beermen sa overtime, 93-89, tampok ang paglalaro ni balik-import Rahlir Hollis-Jefferson, habang wala pa sa aksyon sina injured key players Jayson Castro, RR Pogoy, Calvin Oftana at Kelly Williams.
Ito ang unang pagkakataon na lalabanan ni NLEX coach Jimmy Alapag ang dati niyang koponang TNT.
Ang tinaguriang “The Mighty Mouse” ay nagwagi ng anim na PBA titles sa Tropang 5G.
Samantala, nakatutok ang Macau sa kanilang pangatlong dikit na panalo sa pagharap sa Titan Ultra na gustong makaahon mula sa ilalim ng team standings.
Tinalo na ng Giant Pandas ang Giant Risers, 132-126, sa una nilang pagtutuos noong Hulyo 25 na tumapos sa kanilang 0-4 kamalasan.
- Latest






















