Baldwin, walang alien employment permit - DOLE
MANILA, Philippines — Wala umanong alien employment permit (AEP) si Tab Baldwin, ang nagbitiw na coach ng basketball team ng Ateneo de Manila University.
Ito ang ibinunyag ng Department of Labor and Employment (DOLE) matapos ang motu proprio clarificatory conference na idinaos kahapon at personal na dinaluhan ni Baldwin kasama ang kanyang mga abogadong sina Attys. Janella Flordeliza at Daniel Darvin.
Sa naturang pagdinig, natukoy na si Baldwin ay walang inihaing aplikasyon para sa AEP at hindi rin nag-aplay ng certificate of exemption para dito.
Sa kanilang panig, nanindigan naman ang kampo ni Baldwin na hindi kinakailangan ng dayuhan ng AEP dahil mayroon siyang permanent residency visa sa Pilipinas.
Paliwanag ni Labor Secretary Francis Tolentino na “If you don’t have that (AEP), you’re here illegally. Everything you have done since the start is absolutely illegal. It’s important to follow the AEP because it’s in the law.”
Inamin din ni Baldwin na nagsimula siyang magtrabaho sa Pilipinas noong 2013 bilang consultant ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at malaunan ay kinuha rin bilang consultant ng PBA team Talk N Text, hanggang sa maging head coach ng men’s national basketball team na Gilas Pilipinas noong 2015 at 2016.
Pinuna naman ni Tolentino na ang Alien Certificate of Registration (ACR) ni Baldwin ay inisyu noon lamang 2016.
Dahil dito, kinuwestiyon niya ang estado ng residency ng dayuhan dahil sa gap sa pagitan ng kanyang employment at ACR.
Dahil dito, humingi ang mga abogado ni Baldwin ng karagdagang oras upang i-check ang kanilang rekord.
Nagtakda rin ang DOLE ng panibagong hearing sa isyu sa Hulyo 9 at pinagsusumite rin ang kampo ni Baldwin ng kopya ng mga dating kontrata nito para sa kaukulang pagrepaso sa mga ito.
- Latest


















